Home NATIONWIDE CBCP: Pagkamatay ni Jemboy ‘di aksidente kundi ‘murder’

CBCP: Pagkamatay ni Jemboy ‘di aksidente kundi ‘murder’

MANILA, Philippines- Hindi aksidente kundi pagpatay o ‘murder’ ang nangyari sa 17-anyos na si Jerhode Jemboy Baltazar na patay sa mga pulis ng Navotas noong Agosto 2, ayon sa Caloocan Bishop at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Pablo Virgilio David.

Inihayag ito ni David sa funeral mass nitong Miyerkules dahil inihalintulad niya ang pagkamatay ni Baltazar sa 17-anyos na si Kian Delos Santos, na napatay din ng mga alagad ng batas anim na taon na ang nakalilipas sa isang police operation sa kahabaan ng Barangay 160, Caloocan City.

“Alam natin lahat na ang nangyari kay Jemboy ay nangyari na rin sa mas kilalang biktima na mistaken identity si Kian Delos Santos at nakapangingilabot isipin na pinatay siya sa mismong araw na ito,” ayon sa CBCP official.

“Hindi po reckless imprudence with homicide ang tawag sa ganyan murder period murder period,” dagdag pa ng opisyal ng Simbahan.

Pagkatapos ng misa, nagsagawa ng caravan ang mga mahal sa buhay at kaibigan para dalhin si Baltazar sa kanyang huling hantungan sa La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City dakong alas-5 ng hapon.

Noong Agosto 2, binaril at napatay si Baltazar ng anim na pulis ng Navotas sa tabi ng ilog sa Balanse Street, Barangay NBBS Kaunlaran. Inamin ng mga pulis na hindi nila nilayon na patayin siya at napagkamalan lamang siyang suspek na kanilang tinutunton.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga pulis at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Sa isang pahayag nitong Martes ng gabi, sinabi ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na nasa summary dismissal stage na ang mga kaso laban sa mga pulis.

Bukod dito, nasibak din sa kanyang pwesto si Navotas police chief Col. Allan Umipig at nahaharap sa kasong administratibo na may kinalaman sa pagkamatay ni Baltazar. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePhilSys registration sa OFWs palalawigin ng PSA, DMW
Next articleLolo patay sa suwag ng alagang baka