MANILA, Philippines – Mas mapabibilis na ng Philippine National Police (PNP) ang implementasyon ng mga search warrant kasunod ng cease and desist order na inilabas ng
Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na agarang magpapatigil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) establishment na nilusob sa Las Piñas City noong nakaraang linggo.
Maganda naman ang naging pagtanggap dito ni PNP public information office chief Brig. Gen. Redrico Maranan kung saan patunay umano itong ang paglaban sa human trafficking at cybercrime ay isang “shared responsibility.”
“Ito ay obligasyon at responsibilidad ng lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman para masiguro natin na yung ating POGO industry ay talagang malinis laban diyan sa mga iba’t ibang activities na ating natutunghayan at nadidiskubre upon implementation nitong mga SW,” ani Maranan.
Nasa kabuuang 781 ang naiproseso na sa 1,239 foreign workers na naabutan sa naturang compound kasabay ng raid noong Hunyo 27.
Pito iba pa na may warrants of arrest ang naiturn-over na sa Bureau of Immigration (BI) para mapauwi.
“Sa ngayon ay tuloy tuloy ‘yung coordination natin sa BI at tayo ay nagpapasalamat sa kanila sapagkat all out naman ‘yung support ng BI although mandate naman nila ‘yan ang mag-process ng mga foreign nationals (Right now, our coordination with the BI continues and we are grateful to them because of the all-out support, although it is really their mandate to process foreign nationals),” ayon kay Maranan.
Sinabi pa ng opisyal na 71 sa 138 nakumpiskang vault ang nabuksan na nitong Huwebes, Hulyo 6, bilang bahagi ng inventory na pinangasiwaan ng Anti-Cybercrime Group at sinaksihan ng mga representative mula Anti-Money Laundering Council at mga opisyal ng Barangay Almanza Uno.
Sa show cause order na inilabas noong Hulyo 2, ipinag-utos ng PAGCOR sa Xinchuang na ipaliwanag ng detalyado ang alegasyon laban sa kanila at kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanilang Certificate of Accreditation at Authority to Operate.
Ipinag-utos din nito sa naturang kompanya na itigil ang lahat ng offshore gaming activities nila habang hindi pa nakukumpleto ang imbestigasyon ng PNP.
“We condemn all criminal activities that violate Philippine laws and human rights — regardless of nationality. As we have always said before, PAGCOR will not hesitate to impose sanctions on erring licensees and accredited service providers. Similarly, we will continue to cooperate with our partner law enforcement agencies to ensure that responsible and regulated gaming is observed,” pahayag ni PAGCOR chairperson and chief executive officer Alejandro Tengco. RNT/JGC