Home NATIONWIDE Cha-cha para sa Pinoy, ‘di para sa politiko – Speaker

Cha-cha para sa Pinoy, ‘di para sa politiko – Speaker

MANILA, Philippines – Kasunod ng hakbang ng Senado na maglabas ng manifesto na kumundena sa patuloy na people’s initiative, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong na ang pagsisikap na amyendahan ang 1987 Constitution ay para sa mga tao at hindi para sa mga pulitiko.

“Itong Cha-cha, ito ay para sa Pilipino. Hindi para sa kongresista, hindi para sa Presidente, hindi para sa Senado,” ani Romualdez.

Ang 24-miyembrong Senado noong Martes ay nagkakaisang naglabas ng manifesto na nagpapahayag ng pagkabahala sa “masama at maling pagtatangkang baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagsasamantala sa ating demokratikong proseso sa ilalim ng pagkukunwari ng isang inisyatiba ng mga tao.”

Nagbabala ang Senado na ang sama-samang pagboto sa isang constituent assembly, gaya ng iminungkahi ng people’s initiative, ay hahadlang sa mga senador na “magbigay ng anumang makabuluhang boto laban sa 316 na miyembro ng House of Representatives.”

Habang sinasabing mas gugustuhin niyang hindi makisali sa word war, sinabi ni Romualdez na handa ang Kapulungan ng mga Kinatawan na makipagtulungan sa Senado sa pag-amyenda sa mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon dahil ang parehong kamara ng Kongreso ay mayroon nang mga resolusyon sa usapin.

“Hindi ko pinapatulan ang mga ganung salita… foul words, invectives. That is their right, and I respect their right,” ani Romualdez.

“Pero kapag may nakita akong maganda at positive, I am willing to work with them. The House will embrace it,” ani Romualdez.

Nagpahayag noong Martes ng pagiging bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na amyendahan ang mga probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution, na nagsasabing ang Charter ay “hindi isinulat para sa isang globalisadong mundo.”

Sa pag-uulit ng damdamin ng Pangulo, sinabi ng Speaker na bagama’t ang priyoridad ng Kamara ay ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution, ang political amendments ay maaaring isaalang-alang sa ibang pagkakataon.

“The Resolution of Both Houses on proposed economic provisions of the Constitution is the priority of the House. Baka sa susunod, baka puedeng pag-usapan… pag-aralan iyong mga political. Pero ako, unahin iyong mga economic provisions, unahin natin ,” giit pa niya.

Nanindigan si Romualdez na ang pagbabago ng Charter ay kritikal upang buksan ang ekonomiya ng Pilipinas at payagan ang paglikha ng mas maraming trabaho. RNT

Previous articleSen. Bato muling iginiit na House leadership nasa likod ng Cha-cha drive
Next articleRed-tagging hindi state policy-DOJ