Home NATIONWIDE Cha-cha signatures natanggap na ng Comelec

Cha-cha signatures natanggap na ng Comelec

MANILA, Philippines- Nakatanggap na ng pirma mula sa mahigit 1,000 munisipalidad at lungsod sa buong bansa ang Commission on Elections (Comelec) para sa patuloy na people’s initiative na amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag noong Biyernes, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na ang poll body ay mayroon nang signature forms mula sa kabuuang 1,072 munisipalidad at lungsod noong Enero 26, 2024.

Lumilitaw na tumaas ang representasyon sa people’s initiative campaign mula nang iulat ng Comelec na noong Enero 21, Sabado, hindi bababa sa 884 lungsod at munisipalidad ang nakatanggap ng signature pages.

Ito ay nagsasaad na 188 lungsod at munisipalidad ang idinagdag sa patuloy na people’s initiative signature drive, o pagtaas ng 17.5% sa wala pang isang linggo.

Matapos maberipika ng Comelec na authentic o totoo ang mga pirma at nakasunod sa mga kinakailangang bilang para sa isang people’s initiative, magtatakda ito ng pambansang plebisito o referendum kung saan iboboto ng mga tao ang mga mungkahing pagbabago sa konstitusyon ng mga petitioner.

Sinabi ni Garcia na ang poll body ay hindi pa nakatatanggap ng mga ulat ng mga lumagda na nag-withdraw ng kanilang pirma para sa people’s initiative.

Noong nakaraang Miyerkules, sinabi ni House ways and means panel chairperson at Albay lawmaker Joey Salceda na nakuha na ng mga proponents ng people’s initiative ang kinakailangang bilang ng mga lagda para maghain ng kanilang petisyon.

Gayunman, sa parehong araw sinabi ng Charter change advocacy group na People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA) na nakakolekta lamang ito ng 30% ng kinakailangang 8 milyong lagda. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDaniel, to stay with Star Magic!
Next articleKalidad ng buhay ng 45% ng mga Pinoy ‘di nagbago – sarbey