MANILA, Philippines – Inilarawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea bilang “misplaced bullying.”
Ito ay kasunod na naman ng tangkang paggambala ng China sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
“What we see there is the presence of the CCG is misplaced and a bully,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar sa Saturday News Forum sa Quezon City.
“The CCG is a misplaced bully at the WPS,” ani Aguilar.
Naglabas ng pahayag ang tagapagsalita ng AFP kasunod ng insidente ng “harassment” ng CCG at Chinese Maritime Militia (CMM) na nagkaroon na naman ng mapanganib na pagmaniobra sa mga barko ng Pilipinas sa pinakahuling resupply mission.
Nitong Biyernes kasi ay nagsagawa ng panibagong resupply mission ang AFP sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ang resupply boats ay sinamahan ng BRP Cabra at BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay US Air Force official at ex-Defense Attaché Ray Powell, dalawang barko ng China Coast Guard at 10 maritime militia vessels ang nagtangkang harangan ang mga barko ng Pilipinas.
Sa kabila nito, naging matagumpay naman ang resupply mission ng bansa.
“As far as the AFP is concerned, we always refer to existing laws in defining what is [our] maritime zone right now,” ani Aguilar.
Ang isinagawang mission nitong Biyernes ang ikatlong resupply mission mula noong Agosto 5 kung saan binomba ng water cannon ng CCG ang mga barko ng PCG na nagsasagawa ng kaparehong misyon.
Sinundan ito ng resupply mission noong Agosto 22.
Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at ng exclusive economic zone at continental shelf. RNT/JGC