Home METRO Chinese bebot niromansa ng gulpi, ninakawan

Chinese bebot niromansa ng gulpi, ninakawan

Arestado sa Valenzuela ang isang lalaking nambubugbog at nangholdap sa isang babaeng Chinese, at ang kapatid nito na kasabwat sa krimen, Enero 15.

Kinasuhan ng robbery with serious physical injuries at illegal possession of firearms and ammunition ang suspek na si Dannyper, samantalang illegal possession of bladed weapon ang kakaharapin ng kapatid nitong si John Paul.

Kinilala naman ang biktima na si Tina, 37, may-ari ng isang fastfood restaurant na nasa Maysan Road, Barangay Maysan, Valenzuela City.

Enero 13, 4:16 am nang pasukin ng isang lalaki ang kabubukas pa lamang na fastfood na pagmamay-ari ng biktima, at habang nakaupo si Tina sa counter, tinutukan ito diumano ng baril ng lalaki habang hinihingi ang bag na may lamang pera.

Hindi ibinigay ni Tina ang bag at sa halip ay nagsisigaw ito ng tulong. Dito na pumasok si Dannyper at pinagtulungang bugbugin ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa mukha at ikinabali ng ilong nito.

Nabuksan ng mga suspek ang drawer ng restoran at nakuha ang perang nagkakahalaga ng P300,000 saka tumalilis sakay ng itim na Honda Click na walang plaka.

Nang makita ang insidente, umakyat sa ikalawang palapag ng restoran ang ksusinero kung saan nakatira ang pamilya ng biktima at ipinaalam sa asawa ni Tina ang pangyayari na kaagad namang humingi ng tulong sa pulisya.

Sa imbestigasyon, nakita sa closed circuit television footage na noong Enero 10, tatlong araw bago ang krimen at nagpanggap na kostumer ang mga suspek at umorder ng pagkain sa naturang fastfood.

Sa follow-up operation ng pulisya sa Lawang Bato, Valenzuela City, namataan nila ang motorsiklong ginamit ng mga suspek nang magsagawa ang mga ito ng surveillance bago pasukin ang restaurant.

Pinara ng pulisya ang nasabing motorsiklo ngunit tumakas ito, at matapos ang ilang minutong habulan, nakorner ng mga operatiba ang motorsiklo at nadakip sina John Paul at Dannyper.

Nakuha kay John Paul ang isang kutsilyong de-tiklop, samantalang isang kalibre .38 na may apat na bala naman ang narekober mula kay Dannyper. Walang naipakitang ligal na dokumento ukol sa mga narekober ang magkapatid nang hanapan ng pulisya.

Positibong kinilala ng biktima si Dannyper na isa sa mga nangholdap at bumugbog sa kanya matapos ipakita ang larawan nito.

Napag-alamang ang lalaking kasama diumano ni Dannyper sa panghoholdap ay isang nagngangalang Edison Dawal, kilala rin bilang Ricky, ng Northville 5, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan.

Isa pang suspek ang isang kinilala bilang Sonny Kalbo, dating drayber ng pamilya ng biktima, na nagbigay umano ng mga detalye sa mga nahuli sa pang-araw-araw na buhay ng pamilya ng biktima.

Robbery with serious physical injury ang inihahanda para kina Dawal at Sonny Kalbo na pinaghahanap pa ng batas. Merly Iral

Previous articleKalansay nahukay sa kapitolyo ng Nueva Vizcaya
Next articleHinahabol na lupa sa mga Marcos bigong mabawi ng real state developer