Home NATIONWIDE Chinese ‘manager’ ng Porac POGO hub arestado!

Chinese ‘manager’ ng Porac POGO hub arestado!

ANILA, Philippines- Nadakip ang isang Chinese national na umano’y manager ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga sa pagsisilbi ng search warrant sa isang Clark leisure park nitong Huwebes, ayon sa mga awtoridad nitong Biyernes.

Sa isang press briefing, sinabi ni Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Leo Francisco na nakumpiska ang 14 safety vaults sa limang villas sa lugar.

“So the result of the implementation of the search warrant was the confiscation of 14 safety vaults in the five villas that we have searched last night,” ani Francisco.

“We have one Chinese national now under investigation and he was turned over to the PAOCC for questioning. The investigation is ongoing at the moment,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Francisco, isa ang naarestong Chinese national sa “big bosses” sa POGO hub sa Porac. Aniya, tinutugis na ng kapulisan ang iba pang personalidad na sangkot sa ilegal na POGOs sa Porac at Bamban, Tarlac.

Maghahain ng reklamong human trafficking, physical injury, at Access Devices Regulation Act violations laban sa nadakip na suspek, base kay Francisco.

Kasunod ng pagtugis sa POGOs na sangkot sa mga ilegal na aktibidad, inihayag ni Francisco na lumipat ang salarin sa small-scale operations.

Sinalakay ng mga awtoridad ang POGO hub sa Porac nitong buwan kung saan nasagip ang 158 dayuhan at nadiskubre ang mga ebidensya ng torture at kidnapping.

Noong Marso naman, mahigit 800 Pilipino at dayuhan ang nailigtas sa POGO hub sa Bamban, Tarlac matapos itong salakayin dahil sa umano’y ilegal na aktibidad kabilang ang crypto at love scams. Nagsasagawa rin umano ng human trafficking at illegal detention sa compound. RNT/SA