Home NATIONWIDE Chinese na hinihinalang nasa likod ng Bamban POGO ‘nakatakas’

Chinese na hinihinalang nasa likod ng Bamban POGO ‘nakatakas’

MANILA, Philippines- Hindi nahuli ng mga awtoridad ang isa sa mga indibidwal na nasa likod ng ni-raid na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac nang magtungo sila sa ilang villas sa Fontana Leisure Park sa Mabalacat, Pampanga.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga awtoridad ng limang villas sa loob ng resort upang mahuli ang puganteng Chinese na si Huang Zhiyang ng Zun Yuan Technology Incorporated. 

Si Huang ay pinaniniwalaang isa sa mga nasa likod ng POGO sa Bamban, Tarlac kung saan hinihinalang nagsasagawa ng scams.

Maaari rin umanong nagsasagawa ng human trafficking at prostitusyon sa pasilidad sa Bamban.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng tumakas ang Chinese target matapos makatanggap ng tip sa raid.

“Yung iba bukas pa yung mga aircon nila, iba bukas pa yung electric fans. Yung iba, mainit pa yung mga tea. So, siguro baka natunugan din nila yung pagpasok natin,” ani PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz. 

Natagpuan din sa isa sa villas ang mga dokumentong may pangalan nina Zhang Ruijin at Lin Baoying, kapwa incorporators ng sinalakay na POGO hub sa Bamban at kasalukuyang nakaditene sa Singapore dahil sa money laundering. 

Batay sa ulat, nadiskubre ng mga awtoridad sa resort ang torture devices. 

Gayundin, 19 dayuhan ang nasagip mula sa resort at sumailalim sa welfare check at profiling ng Bureau of Immigration. 

Labing-walo sa mga dayuhan ang pinalaya na, habang nananatili ang isa sa kustodiya ng mga lokal na awtoridad dahil hinihilang isa ito sa mga “boss” ng POGO hub sa Bamban. 

“May posibilidad na siya po ay associated doon sa Bamban POGO, sa Zun Yuan. Maaaring isa siya sa mga nakatakas na middle level bosses o managers. Kapag na-validate namin, kakasuhan namin siya ng immigration violation dahil di niya napakita ang kanyang mga dokumento,” wika ni PAOCC spokesperson Winston Casio. 

Natagpuan din ang dalawang Pilipino sa loob ng villas, kabilang ang driver na dating miyembro ng Police Security Protection Group. 

Ayon pa sa PAOCC, mayroong kahina-hinalang mga larawan sa cellphone ng dating pulis na maaaring mag-ugnay sa kanya sa POGO boss at kay Guo. Itinanggi naman nito ang mga alegasyon.

“Wala po ako idea sa mga ganun. Kasi yung boss nga po namin dito… Pag pumunta rito, once a year, twice a year, ganun,” wika ng Pilipino.

Samantala, sinabi ng Clark Development Corporation na nirerentahan lamang ng Fontana Leisure Parks ang lupang kinatatayuan nito.

Subalit, binanggit ng CDC na may naitala nang paglabag ang resort at maaaring maging basehan ng posibleng pagpapasara rito. RNT/SA