MANILA, Philippines- Arestado ang isang Chinese national at ang kanyang Pilipinong security escort matapos mangtangkang lokohin ang isang Malaysian national kapalit sa pagbabalik ng nanakaw na celllphone ng huli sa Parañaque City.
Sa report na isinumite ni Parañaque police chief P/Col. Reycon Garduque sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga suspek sa mga alyas lamang na aka “Zhide” at aka “Jhun-Jhun”.
Sinabi ni Garduque na inaresto ang mga suspects sa inilatag na entrapment operation dakong alas-12:24 ng hatinggabi sa Okada Manila Resort Hotel na matatagpuan sa New Seaside Drive, Entertainment City, Parañaque.
Ayon kay Garduque, bago maganap ang pag-aresto sa mga suspek ay nauna munang mag-report ang biktimang Malaysian national na si alyas “Lim” tungkol sa pambubugbog sa kanya ng dalawang hindi niya kilalang kalalakihan sa labas ng Okada Manila Resort Hotel nitong nakaraang Oktubre 19 na kumuha rin ng kanyang cellular phone.
Makaraan ang dalawang araw ay muling nagbalik ang biktima sa pulisya at inireport nito na inalok siya ng mga suspek na mabalik ang kanyang ninakaw na cellphone kapalit ng halagang P50,000.
Matapos mailahad ng biktima ang impormasyon ay ikinasa na ng mga operatiba ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakabawi ng Huawei Mate 40 Pro cellular phone ng biktima.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang mga suspek na nahaharap naman sa kasong robbery-extortion. James I. Catapusan