Home NATIONWIDE Chinese visa center pinasinayaan

Chinese visa center pinasinayaan

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian nitong Biyernes ang official launch ng Chinese Visa Application Service Center sa Manila.

Kinilala ni Huang ang umiigting na interes ng mga Pilipino na bumisita sa China, na nagresulta sa paglakas ng demand para sa Chinese visas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng people-to-people exchanges sa pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa.

“The exchanges of personnel are a crucial basis for enhancing mutual understanding, deepening cooperation in various fields such as economy, trade, and culture, and sharing development opportunities between China and the Philippines,” anang opisyal.

Upang tugunan ang mga hamong dulot ng personnel shortages, sinikap ng Chinese Embassy na paghusayin ang visa processing capacity at service quality. Sa suporta ng Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang partido, nabuo ang desisyon na magtatag ng Chinese Visa Application Service Center.

Ani Huang, ang pagtatatag ng visa centers sa mga bansang may mataas na visa application demand ay isang international practice.

Bagama’t hahawakan ng Visa Center ang visa applications at mga kaugnay na serbisyo, nakadepende pa rin ang pinal na desisyon sa visa approval sa Chinese Embassy. Nakahanda naman ang mahigpit na data security at privacy protection measures upang matiyak ang kaligtasan ng impormasyon ng mga aplikante.

Sa panig naman ng Pilipinas, inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Jesus Domingo na patuloy na naghahanap ng mga pamamaraan ang bansa upang lumikha ng E-Visa Process para sa Chinese nationals na bumibisita sa Pilipinas.

“We are gradually fulfilling our vision of bridging our countries together,” wika ni Domingo.

“This center will streamline the process, allowing Filipinos to explore the beauty of China,” pahayag naman ni special envoy Benito Techico, kinatawan ng Pangulo ng Pilipinas sa trade, investments, at tourism sa People’s Republic of China. RNT/SA

Previous articlePinoy na arestado sa Japan ‘tuliro’ – DFA
Next article‘Fund misuse’ sa pagkalap ng PI signatures pinabulaanan ng DSWD