Home NATIONWIDE CHR handang makipagtulungan sa ICC sa drug war probe

CHR handang makipagtulungan sa ICC sa drug war probe

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kagustuhan ang Commission on Human Rights (CHR) na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang umano’y human rights abuses sa administrasyong Duterte sa kanyang kontrobersyal na war on drugs.

Ayon sa report, sinabi ni CHR chairperson Richard Palpal-latoc na handa ang komisyon na magbahagi ng ebidensya na makokolekta nito, para sa ICC.

Sinabi pa ni Palpal-latoc na wala siyang nakikitang problema dahil ang CHR ay isang independent constitutional body mula sa executive.

“If the ICC will request us to help them, in so far the evidence we have gathered. Dun sa mga cases naman na naimbestigahan namin, we can share it kasi public document naman na yan eh,” sinabi ng commissioner.

“We are an independent constitutional body and we have an independent mandate na hindi kami dependent on the directive of the president. So wala akong nakikitang conflict,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng commissioner na hindi bahagi ng kanilang mandato kung papayagan bang makapasok sa bansa ang ICC.

Hulyo ngayong taon, matatandaang tinanggihan ng ICC Appeals Chamber ang apela ng pamahalaan kaugnay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa war on drugs.

Dahil dito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi tutugon ang bansa sa arrest warrant ng ICC laban sa mga indibidwal na sangkot sa naturang kaso.

Sinabi na rin ng ilang opisyal ng pamahalaan kabilang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ito makikipagtulungan sa ICC, sabay-sabing ang tribunal ay walang jurisdiction sa bansa.

Sa ilalim ng drug war, nasa 6,200 suspek ang napatay sa kabi-kabilang police operation, sa kabila nito posible pa umanong umabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang death toll ayon sa human rights groups. RNT/JGC

Previous articleCybersecurity malaking problema pa rin sa Pinas – Romualdez
Next article3 bodega ng plastik nalusaw sa magdamagang sunog sa Bulacan