MANILA, Philippines- Pormal na nagpadala ng liham ang Commission on Human Rights (CHR) sa Senado, kung saan idinedeklara nito ang oposisyon sa dekriminalisasyon ng abortion.
Sa liham kay Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, sinabi ni CHR chairperson Richard Palpal-Latoc na tumatalima ang CHR strictly sa 1987 Constitution na partikular na nagbibigay-halaga sa right to human life at pangangailangang protektahan ang buhay ng isang ina at hindi pa naisisilang na anak.
Binigyan din ng kopya si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
“The Commission on Human Rights considers paramount the right to life,” pahayag ni Palpal-Latoc sa sulat.
“The Commission similarly adheres to the 1987 Philippine Constitution specifically, to ‘equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception,’ and is therefore, against abortion, save for extreme circumstances,” aniya pa.
“As the national human rights institution of the country, we shall continue to support the international human rights framework, its mechanisms and recommendations, including the rights of women,” dagdag ng CHR chief.
Nauna nang nagbanta si Estrada na bibigyan ang CHR ng “zero” budget sa ilalim ng 2024 national budget sakaling tumanggi itong linawin ang paninindigan nito sa isyu ng abortion.
Ito ay matapos komprontahin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang Komisyon sa malabong paninindigan nito sa isyu, dahilan upang ipagpaliban ng Senado ang diskusyon sa proposed budget ng CHR para sa susunod na taon.
Inihayag ni Cayetano ang pagkadismaya sa naunang pahayag ni CHR Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia na nagsusulong ng dekriminalisasyon ng abortion sa bansa.
Kinontra ito ng dalawang senador at iginiit na nakasandig ang CHR sa Konstitusyon at walang karapatang manindigan nang taliwas dito.
Sa pagpapadala ng liham ng CHR sa Senado na naglilinaw sa anti-abortion stance nito, ipagpapatuloy na ng Senado ang pagtalakay nito sa budget ng Komisyon sa Lunes. RNT/SA