Home NATIONWIDE CICC: Maging alerto vs text scam sa traffic violations  

CICC: Maging alerto vs text scam sa traffic violations  

MANILA, Philippines- Nag-isyu ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng public alert nitong Miyerkules, kasunod ng pagkakatukoy ng bagong wave ng short message service (SMS) o text scams na tuma-target sa mga motorista na may rekord ng traffic violations.

Hinikayat nito ang publiko na huwag pansinin ang SMS scams na nagpapanggap na mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa traffic violations.

Idinetalye ni CICC Executive Director Alexander K. Ramos ang modus operandi ng cyber culprits.

“Victims are  instructed to  pay the fine for their traffic violation through a certain link,” wika ni Ramos.

“We appeal to the public to be more discerning. The MMDA will never text traffic violators,” dagdag ng opisyal.

Dinadala ng link sa scam message ang users sa pekeng website na nagpapanggap na Land Transportation Office (LTO).

Sa nasabing site, ipinalalagay sa mga motorista ang kanilang plate number upang makita kung mayroong traffic violations at pinagbabayad ng multa sa pamamagitan ng online payment channels.

Samantala, inulit ng CICC ang apela nito sa publiko na iwasang mag-click ng kahina-hinalang links at pagbabahagi ng personal information bilang pag-iingat sa text scams na kinasasangkutan ng pekeng MMDA at LTO websites. RNT/SA