Home METRO COA magsasagawa ng fraud audit sa Cagayan provincial gov’t

COA magsasagawa ng fraud audit sa Cagayan provincial gov’t

MANILA, Philippines- Magsasagawa ang Commission on Audit (COA) ng fraud audit sa provincial government ng Cagayan kaugnay ng umano’y illegal expenses nito sa 2022 campaign period, ayon kay COA chairperson Gamaliel Cordoba nitong Huwebes.

Hinihikayat ng House Resolution 145, inihain ni Cagayan Representative Jojo Lara at Abang Lingkod party-list Representative Stephen Paduano, ang COA na magsagawa ng special audit at/o fraud audit investigation sa umano’y illegal expenditures ng Cagayan government sa campaign period mula March 25 hanggang May 8, 2022.

“We gave instructions to our fraud audit office to conduct a fraud audit in your province,” sabi ni Cordoba sa House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng proposed P13-billion budget ng COA para sa 2024.

Sinabi ni Lara na kinakailangang magsagawa ng fraud audit sa Cagayan provincial government dahil maaari umano itong makaapekto sa buong bansa.

“This is a parochial concern, but just imagine if this happened in every province,” pahayag niya.

Iniimbestigahan din ng House joint committee on public accounts and of suffrage and electoral reforms ang umano’y kawalang-aksyon ng Commission on Elections (Comelec) sa umano’y distribusyon ng pera at iba pang uri ng tulong sa registered voters at barangays sa Cagayan sa prohibited period mula March 25 hanggang May 9, 2022.

Ipinaditene si Cagayan Governor Manuel Mamba ng House panel sa hindi pagdalo sa pagdinig.

Subalit, nauna nang sinabi ni Mamba na hindi siya maaaring magsalita ukol sa kaso dahil nasa korte na umano ito. Aniya, kapag nagkomento siya, lalabag siya sa sub judice rule.

Inakusahan ni Lara si  Mamba ng paggamit ng ilang empleyado at opisyal ng provincial government bilang kasabawat sa cash advances na ginamit sa vote-buying operations.

Ang alegasyon ang siya ring basehan ng petisyon na humihirit na sibalin si Mamba bilang Cagayan governor. Subalit, pinaboran ng Comelec si Mamba noong Marso. RNT/SA

Previous articleDepEd dumepensa sa pagpapabaklas ng mga dekorasyon sa silid-aralan
Next articleP80.6B appropriation para sa BARMM dev’t sa 2024, isinusulong ng PH gov’t