Home NATIONWIDE Colmenares nanawagan sa mga senador, people’s initiative labanan sa lokal na lebel

Colmenares nanawagan sa mga senador, people’s initiative labanan sa lokal na lebel

MANILA, Philippines – Nanawagan si dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares sa Senado na tulungan silang labanan ang people’s initiative para sa Charter change sa lokal na lebel.

Sa panayam, sinabi ni Colmenares sa mga senador na huwag munang magpatuloy sa kanilang plano na kwestyunin sa Korte Suprema ang nagpapatuloy na signature campaign upang amyendahan ang 1987 Constitution.

“We want to coordinate and cooperate with the Senate kasi importante ang Senado sa laban na ito,” ani Colmenares.

“Ang isang advise namin sa Senado, tumulong sana dito sa laban sa distrito. Huwag muna tayong umakyat sana sa Korte Suprema kasi may laban pa sa RTC sa baba,” dagdag pa niya.

Sa mga nagdaang pagsubok sa people’s initiative, tumulong si Colmenares sa ilang mga opisyal ng pamahalaan sa paghahain ng mga petisyon sa iba’t ibang regional trial courts. Aniya, nagawa nilang makakuha ng tatlong temporary restraining orders.

Sa kasalukuyan ay nagpapakalat online ang Bayan Muna ng sample ng mga affidavit para sa pag-uurong ng mga pirma.

“Ang affidavit of withdrawal na ito ay nagsimula [sa] mga member ng Bayan Muna. Maraming nagtanong sa ground at may mga nagsabi sa kanila na hindi nila alam ang pinipirmahan nila o naloko sila, may mga pangakong ayuda o anupaman kaya gusto nilang mag-withdraw,” paliwanag ni Colmenares.

Umaasa siya na maglalabas din ng mga kopya ng affidavit ang iba’t ibang grupo at human rights lawyers at tulungan ang mga ordinaryong botante sa paghain nito sa Commission on Elections.

“Maganda sana kung maramihan sila. 10 o 20 diyan ang pupunta sa Comelec at sana mas marami pa. Pero ang filing talaga nito, maging individual kasi titingnan ng Comelec bawat isa kung naga-attest nga ba siya na iwi-withdraw niya yung pirma niya,” ayon pa kay Colmenares.

Hiniling din niya sa Comelec na payagan ang anti-Cha-cha groups o mga indibidwal na tignan ang proseso ng beripikasyon ng mga pirma.

“Yun ang hiningi namin sa Comelec. Later on during the verification stage, hayaan ang mga tutol sa Cha-cha na mag-appear doon sa verification process at mag-object sa mga pirma na tingin nila hindi karapat-dapat na isama,” ani Colmenares.

Nauna nang sinabi ni Atty Alfredo Garbin, Jr, isa sa proponents ng PI, na pinag-aralan nila ang mga problemang naranasan sa mga nagdaang PI at naresolba na nila ang mga ito.

“Hindi nila na-solve ang mga dating problema niyan. For example, bawal sa people’s initiative ang revision. Ang tingin namin, revision pa rin yung voting jointly. Kasi sabi nga ng Korte Suprema sa Lambino, ‘pag pinapalitan mo ang essential o fundamental prinsipyo ng Constitution o yung checks and balance, revision yan. Hindi ibig sabihin isang word lang yan ay amendment lang yan,” tugon dito ni Colmenares. RNT/JGC

Previous articleLolit, umuusok sa galit, target si Kyline!
Next articlePeople’s initiative ‘di pwedeng ihinto basta-basta ng Comelec – Salceda