Home OPINION COLOR GAMES SA PERYAHAN DAPAT I-BAN

COLOR GAMES SA PERYAHAN DAPAT I-BAN

NOONG nakaraang buwan, nagulo ang mga peryante at huminto ang kanilang  operasyon  dahil sa isinagawang Senate Investigation na pinangunahan ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Nagsumbong kasi ang Perya Industry of the Philippines Association  sa dating hepe ng Philippine National Police hinggil sa pangha-‘harass’  umano ng mga pulis at mga ahente ng National Bureau of Investigation.

Ayon sa PIPA, hinuhuli ng mga pulis, partikular ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group, at NBI ang kanilang mga latag kapag hindi sila nakapagbibigay ng lingguhang lagay o ‘tong’.

Natapos ang inquiry na ipinag-utos ni Dela Rosa na ‘status quo’ muna, meaning – stop ang pergalan (perya na may sugal) at police operation habang hinihintay ang sagot ng Department of Justice kaugnay sa usapin ng color games.

Naging alagad ng batas ang senador kaya hindi na bago sa kanya ang kalakaran sa usaping dinala ng PIPA sa Senado – so what’s the fuss?

Hindi kaya nagagamit lang ng PIPA ang Senado dahil  sa tingin natin ang “drop ball”  at iba pang mga sugal na kung tawagin ay ‘color games’  na nilalaro sa mga perya ay “game of chance”  na ipinagbabawal  ng anti-gambling act.

Unexpected ang pagrereklamo ng PIPA sa Senado na pinatulan naman ni Sen. Bato. Pakiwari natin ay nagsayang lang ng oras at people’s money ang Lehislatura  sa ginawang inquiry.

Ang lakas ng loob ng perya group na ito,  na ayon sa ating pagkakaalam ay walo lang naman ang miyembro,  na isumbong, ikuwento ang panghihingi ng mga pulis at NBI ng ‘tongpats’.

Sa totoo lang, kung walang  manunuhol ay walang susuhulan. May drop balls at color games ang mga perya n’yo kaya kung ayaw n’yong mahuli dahil may sugal kayo,  aba’y huminto kayo.

Pero saganang atin, para mawala ang alingasngas na pinagmumulan pa ng kahihiyan ng PNP,  kailangan sigurong ipagbawal o i-ban na ang color games sa mga peryahan.

Previous articleKABATAAN PATULOY NA BABANTAYAN
Next articlePosibilidad na magkabagyo sa Marso maliit lang – PAGASA