MANILA, Philippines- Tinitingnan ng Commission on Elections (Comelec) ang 11 kompanya na posibleng mag-agawan para sa kontratang mag-supply ng 110,000 Automated Counting Machines (ACMs) na papalit sa Vote Counting Machine (VCMs) para sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na apat na kompanya na ang nagsumite ng kanilang proposed contract price—Dominion Voting Systems, Miru Systems, Pivot International, at Smartmatic.
Ang Smartmatic ay ang service provider simula lumipat sa automated elections noong 2010 ang Pilipinas, ngunit labis na binatikos dahil sa iba’t ibang isyu tulad ng pagkasira ng mga makina sa araw ng halalan.
Noong Hunyo, isang petisyon ang inihain sa Comelec na naglalayong i-disqualify ang Smartmatic sa bidding.
Kabilang sa mga petisyoner sina dating Department of Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio, Jr., dating Comelec Commissioner at National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) President Augusto Lagman, Franklin Ysaac, at Leonardo Odoño.
Sinabi ni Garcia na ang kanilang Law Department ay nakapaghain na ng komento at magkakaroon ng deliberasyon sa en banc.
Ipinaliwanag ni Garcia na sa puntong ito ay walang basehan upang idiskwalipika ang Smartmatic.
“Wala po kasi tayong formal na diskwalipikasyon sa kanila, at the same time sa batas po kasi, sa Republic Act 9184, wala pa pong sufficient ground para sila ay ma-disqualify at this point, unless may mag-file ng disqualification,” sabi ni Garcia.
Kaya naman lahat aniya ay binibigyan ng oportunidad na makalahok.
Tinitingnan ng Comelec ang ilang upgrades sa ACMs tulad ng 13-inch screen, 200 millimeter per second scanning mula sa dating 70 millimeter per second, pag-iisyu ng resibo, at pagpapadala sa iba’t ibang server kabilang ang sa mga election watchdog at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Pumapalo ang contract price para sa pagrenta ng ACM ay P19.8 bilyon.
Inihayag ni Garcia na hindi sila bibili ng mga makina dahil ito ay mangangailangan ng mas maraming gastos tulad ng warehousing. Ipinagtanggol din niya ang kanilang “wishlist.”
Aniya, ang isang paraan para gawin itong accessible sa mas maraming provider ay sa pamamagitan ng paghiling sa Government Procurement and Policy Board na ayusin ang pangangailangan kung saan ang mga kompanya sa bidding ay dapat nakatapos ng katulad na proyekto na nagkakahalaga ng 50 porsyento ng kanilang ibini-bid. Hiniling ni Garcia sa ahensya na ibaba ito sa 30 porsyento.
Dapat isumite ang mga kinakailangan sa katapusan ng Oktubre 2023 at ang award sa kontrata ay inaasahang ibibigay sa Enero 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden