MANILA, Philippines – NAGSIMULA nang umarangkada ang Commission on Elections (Comelec) checkpoints at pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre 30.
Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office, partikular na paglalagay ng mga checkpoints sa Metro Manila sa bahagi ng mga boundary ng San Juan at Quezon City at San Juan at Sta. Mesa, Manila.
Sa Mandaluyong, may kapansin-pansin naman ang mga kapulisan sa mga pangunahing kalsada tulad ng sa Kalentong Street.
Samantala, sa Parañaque City, nagsagawa ng checkpoint sa Sucat Interchange malapit sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Naglagay din ng checkpoint sa Quirino Highway sa Quezon City.
Umapela naman ang pulisya sa mga motorista na makipagtulungan sa kanila at tiyakin na ipapatupad ang “plain view doctrine”
Nangangahulugan na kailangan lamang ibaba ng mga sasakyan ang kanilang mga bintana at buksan ang kanilang ilaw sa loob ng sasakyan kapag dumadaan sa checkpoints. Rene Crisostomo