MANILA, Philippines- Lusot sa Senate plenary ang karagdagang ₱500 milyon para sa proposed 2024 budget ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes sa pagsusulong ng poll body ng karagdagang pondo para sa paghahanda sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa pinal na bersyon ng panukala sa Kamara, ay naglaan ng ₱27.1 bilyon para sa poll body.
Mas mababa ito kumpara sa ₱27.3 bilyon para sa 2024 National Expenditure Program, subalit orihinal na iminungkahi ng ahensya ang ₱43.9 bilyon sa budget call, dagdag ni Pimentel.
Base sa Senate committee report, naglaan ng ₱27.6 bilyon para sa spending plan ng Comelec sa susunod na taon.
“Ang talagang hinihingi nila…in the preparation for 2025 (elections), ‘yong ₱5.96 billion man lang i-restore,” ani Sen. Imee Marcos, budget sponsor ng Comelec. “Those are (for) the procurement of materials, the IT systems, and so on. They are praying that this be reconsidered.”
Inihayag ni Marcos na gagamitin ang ₱500 milyong dagdag mula sa Senate committee sa pagbili ng supplies, materials, at forms na nagkakahalaga ng ₱400 million at warehousing na automated counting machines na tinatayang aabot ng ₱100 million.
Sinabi ng Comelec officials, ayon kay Marcos, na ₱39.68 billion ang tinatayang magagastos sa 2025 midterm polls. Sa kabuuang halaga, ₱22.9 billion ang ilalaan para sa paghahanda simula sa sunod na taon.
“That’s why lease without option to purchase is being recommended because with all the expenses that we’ve made in the past, hindi na sila magamit, di na updated, mas maigi upahan na lang kada election,” anang senador.
Dalawang beses na boboto ang mga Pilipinong botante sa 2025. Magsasagawa ang Comelec ng midterm polls sa Mayo, at barangay at Sangguniang Kabataan elections naman pagsapit ng Disyembre.
Ayon kay Marcos, inaasahan ng Comelec na mangangailangan ang poll body ng hanggang 116,000 automated counting machines para sa 71 milyong botante sa 2025. RNT/SA