MANILA, Philippines – Naghahanda ang Commission on Elections (Comelec) para sa mainit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ito ay dahil ang paparating na botohan ay magiging mas personal para sa mga kandidato at botante.
“Mas personal dahil nga sa magkakapatid, magkakamag-anak, magkakapitbahay, magkakakilala talaga and then therefore, habang papalapit ‘yung pagpoproklama o nalalaman kung sino ang nananalo, lalong nagiging mainit ang halalan,” paliwanag ni Garcia.
Inaasahang maghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang mga indibidwal para sa barangay at Sangguniang Kabataan simula ngayong araw, Agosto 28 kung saan simula na rin ang gun ban.
Ang election period at gun ban ay magiging epektibo mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29 habang ang COC ay dapat mai-file sa pagitan ng Agosto 28 at Setyembre 2.
Ayon sa Comelec, kapag nakapaghain na ng kanilang COC, ang isang indibidwal ay maituturing nang kandidato at ipagbabawal nang mangampanya maliban sa itinakdang panahon ng pangangampanya sa Oktubre 19 hanggang 28.
Binanggit din ni Garcia ang kahalagahan ng barangay at SK elections.
Sinabi ng Comelec na ang mga botante sa lahat ng 42,000 barangays sa Pilipinas ay maaaring bumoto para sa sumusunod na posisyon sa Oktubre 30:
1 barangay chairman
7 Sangguniang Barangay members (kagawad)
1 SK chairperson
7 SK members
Bukas ang voting centers mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa Oktubre 30.
Ngunit sa Muntinlupa at Naga City sa Albay, ipatutupad ang early voting hours mula ng alas-7 ng umaga para sa mga senior citizen, buntis, persons with disabilities, at indigenous people.
Pagkatapos ng halalan, lahat ng kandidato ng barangay at SK—manalo man o matalo—ay kinakailangang magsumite ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang Nobyembre 29. Jocelyn Tabangcura-Domenden