MANILA, Philippines- Kung maipatutupad at magugustuhan ng mga Pilipino ang ‘internet absentee voting’ sa 2025 ay posibleng alisin na ng Commission on Elections (Comelec) ang ‘in-person absentee voting’ ng overseas Filipino workers (OFWs).
“Kung after the 2025 election, nakita natin na mas pinatronize pala, mas ginusto pala ng mga Pilipino abroad ‘yung internet voting, halimbawa kung ipatutupad talaga natin sa 2025, at pagkatapos eh konting-konti na lang ang nag-avail ng in-person voting eh siguro nga mas maganda na pwede nang mawala ‘yung dalawang modes at matira na lang ‘yung internet voting,” sabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Sa kasalukuyan, ang Comelec ay gumagawa na ng hakbang para mabuo ang mga detalye, at paghahanda para sa alokasyon ng internet voting sa kanilang direksyon ng polisiya.
Sinabi ng Comelec na nais nila itong ipatupad para madagdagan ang bilang ng mga OFWs na bumoboto.
Noong nakaraang National and Local Election nitong 2022, higit sa 34% ng mga rehistradong OFW voters ang aktuwal na nakaboto; mas mataas sa 31% noong 2010.
Ayon sa komisyon, titiyakin nila ang seguridad at integridad nito sa paglalagay ng features na kayang magberepika ng resulta sa oras na maipatupad ang internet voting. Jocelyn Tabangcura-Domenden