Home HOME BANNER STORY Comelec magsasagawa ng reprinting sa ilang balota sa BSKE 2023

Comelec magsasagawa ng reprinting sa ilang balota sa BSKE 2023

MANILA, Philippines – Nakatakdang muling iimprenta ng Commission on Elections ang ilang balotang gagamitin para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ito ay makaraang maging lungsod na ang ilang dating munisipalidad sa bansa, sinabi ni Comelec chairman George Garcia nitong Sabado, Agosto 19.

Ang anunsyong ito ay kasabay ng inspeksyon ni Garcia sa voting simulation na idinaos sa mga mall sa Maynila.

Sinabi niya na naimprenta na ang ilang balota bago pa man naging lungsod ang ilang munisipalidad gaya ng Baliwag sa Bulacan, Calaca sa Batangas, at Carmona sa Cavite.

Sa kabila nito, hindi naman idinetalye kung gaano karami ang balotang kailangang iimprentang muli.

Nakatakdang ianunsyo ng Comelec ang mga balotang gagamitin ng mga residente sa Enlisted Men’s Barrio (EMBO) barangays sa susunod na linggo.

Mayroong mahigit 200,000 botante na nakatira sa EMBO barangays ang ngayon ay nasa ilalim na ng Taguig City na dati ay nasa Makati City.

Batay naman sa datos ng Comelec, mayroong 92 milyong botante sa bansa, habang 68 milyon ang nakatakdang bumoto sa barangay elections, habang 24 milyon ang boboto para sa SK elections. RNT/JGC

Previous articlePagbaklas sa mga kubol sa mga piitan sa bansa, agad ipinag-utos ni Catapang
Next articleRuffa, nagpakasal daw uli kay Ylmaz, natawa!