MANILA, Philippines- Naghain ang Commission on Elections (Comelec) Committee on Kontra-Bigay noong Biyernes ng disqualification petitions laban sa limang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) candidates dahil sa umano’y vote-buying.
Pinangunahan ni Comelec Deputy Executive Director for Operation Rafael Olaño ang paghahain ng DQ cases.
Ayon kay Olaño, ang BSKE candidates ay mula sa barangay ng Quezon Province, isa sa Samar, isa sa Maguidanao at dalawa sa Marikina City.
Nag-ugat ang reklamo mula sa kani-kanilang lugar at ebidensya na bineripika ng Committee on Kontra-Bigay.
Bago ang paghahain ng disqualification petitions, sinabi ni Olaño na ipinadala na ang kopya sa respondents.
Sa Marikina, ang dalawang BSKE candidates ay nagbigay umano ng P1,500 out-of-pocket financial assistance matapos maghain ng certificates of candidacy.
Ang kandidato naman sa Quezon Province ay natuklasan na nakibahagi sa relief operation ng local government officials at binigyan ng pagkakataon na mangampanya.
“Kaya kahit hindi siya ang mismong namimigay, present sya during sa pamimigay ni mayor, kasama na rin po yon sa ating vote buying activities,” sabi ng Comelec official.
Ang kandidato naman sa BSKE sa Samar ay nag-sponsor umano ng isang pagtitipon ng mga opisyal sa isang resort.
Sinabi ni Olaño na ito pa lamang ang unang batch ng mga petisyon na kanilang ihahain, at sila ay gumagawa ng 41 pang kaso hanggang nitong Biyernes.
Inaasahan ng komisyon na mas dadami pa ang mga reklamo laban sa vote-buying at vote-selling sa pagsisimula ng kampanya.
Hindi naman maipoproklama ang mga kandidatong mananalo na nahaharap sa disqualification cases hangga’t nakabinbin ang petisyon sa Comelec.
Kapag sila ay madiskwalipika, ang kandidato na pangalawa sa pinakamataas na bilang ng boto ang maipoproklama bilang panalo.
Samantala, inihayag ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda sa isang press conference na binitiwan niya ang kanyang pwesto bilang chairman ng Committee on Kontra-Bigay dahil miyembro din siya ng dibisyon at en banc na magdedesisyon sa mga kaso.
Pangungunahan ngayon ang komite ni Comelec Executive Director Teofisto Elnas Jr.
Kung ikukumpara sa mga kaso ng disqualification sa mga batayan ng premature campaigning, sinabi ni Maceda na ang mga petisyon sa disqualification batay sa vote-buying ay mas magtatagal.
“This is going to be more deliberate. Mas masinop ito, mas meticulous ang pag-aral sa mga reklamo… you have to sift through the attached evidence,” sabi ni Maceda.
“Chairman Garcia was saying that he does not really anticipate that this will be resolved as quickly as the premature campaigning cases that we filed,” anang opisyal.
Tulad ni Olaño, inaasahan ni Maceda na mas maraming reklamo sa pagbili ng boto ang “bubuhos.”
Ayon kay Maceda, ang pagsampa ng limang kaso ng diskwalipikasyon ay paunang bugso pa lamang.
Umaasa at naghahanda aniya sila para sa pagsasampa ng mga kinakailangang kaso sa mga darating na araw at linggo upang patunayan ang kanilang mga pahayag.
“Itong pagsampa namin ng limang kaso ay paunang bugso pa lamang ito. We’re expecting and we’re preparing for the filing of necessary cases in the days and weeks to come to substantiate our pronouncements… that we are deathly serious in making sure that we level the playing field,” sabi ni Maceda.
Itinuturing na election offenses ang vote-buying at vote-selling sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.
Ang sinumang taong mapatutunayang guilty sa election offenses ay dapat parusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon.
Gayundin, ang mga mapatutunayang nagkasala ay pagkakaitan ng karapatang bumoto at ipagbabawal na humawak ng pampublikong tungkulin.
Ang sinumang partidong politikal na mapatunayang nagkasala sa pagbili ng boto ay pagmumultahin. Jocelyn Tabangcura-Domenden