Home NATIONWIDE Comelec ‘nagkusa’ sa suspensyon ng pagtanggap ng signature forms para sa PI

Comelec ‘nagkusa’ sa suspensyon ng pagtanggap ng signature forms para sa PI

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na nagkataon lamang na inanunsyo ng komisyon ang suspensyon ng pagtanggap ng signature forms para sa people’s initiative sa parehong araw na inihayag ni Senate President Juan Miguel Zuburi na aapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kapulungan ng mga Kinatawan at mga indibidwal na nasa likod ng inisyatiba na itigil ang patuloy na pagsisikap na isulong ito.

“Siguro po nagkataon lamang na ganon ang mga pangyayari dahil simula nung naglabasan isa isa ang mga isyu, kami na rin naman mismo ang nagsabi na kailangan naming i-review ang aming resolution,” sinabi ni Comelec spokesperson Atty.John Rex Laudiangco.

Inilahad din ni Laudiangco na walang tumawag sa Comelec o nag-pressure o ‘di kaya’y humiling na itigil ang proseso.

“Alam naman natin ‘yan na kailangang manatiling independent ang Comelec,” giit ni Laudiangco.

Nitong Lunes, sinabi ni Laudiangco na nakatanggap na ang Comelec ng signatures sheets mula sa 1,129 na lungsod at munisipalidad, na binubuo ng 210 legislative districts.

Sa kabila ng pagpapahinto ngayon ng Comelec sa pagtanggap ng signature forms, sinabi ni Laudiangco na hindi pipilitin ng poll body ang sinuman na huminto sa paghahanap ng mga signatories para sa people’s initiative.

Ikinatuwa ng ilang senador ang pagsususpinde ng Comelec sa lahat ng people’s initiative proceedings at hinimok din nila ang publiko na manatiling mapagmatyag. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePagpaslang sa kagawad sa OrMin tinatalupan ng CHR
Next articlePIRMA lead convenor umamin sa Senado: Romualdez ‘all-out support’ sa PI