Home NATIONWIDE Comelec naglabas ng show cause orders sa 1,955 BSKE candidates sa premature...

Comelec naglabas ng show cause orders sa 1,955 BSKE candidates sa premature campaigning

MANILA, Philippines – Naglabas na ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) sa may 1,955 na kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa premature campaigning.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang pinakabagong tally ay hanggang nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 22, halos isang buwan bago ang opisyal na panahon ng kampanya sa Oktubre 19, 2023 hanggang Oktubre 28, 2023.

Sinabi ng opisyal na hindi kinakailangang matagal dahil barangay lamang ang kanilang ikinakampanya kaya sa ngayon ay bawal pa ang mangampanya.

Sa 1,955 show cause order, sinabi ni Laudiangco na nasa 300 na ang tumugon, na karamihan sa mga argumento ng depensa ay nagsasabing hindi sila sangkot sa mga premature campaign.

Mayroon ding ilang mga kandidato na nagsabing ang mga campaign materials ay nai-post na bago sila naghain ng kandidatura, ngunit sinabi ni Laudiangco na dapat ay tinanggal na ang mga ito sa paghahain.

Ayon kay Laudiangco, inaasahan na madaragdagan pa habang lumalapit ang halalan sa Oktubre 30, 2023.

Mayroon din aniyang mga kaso ng premature campaigning online, na naitala sa mga streaming sites tulad ng Facebook, Tiktok, at Youtube.

Lahat ng manual ballots ay naimprenta na at nakatakdang ipadala sa unang linggo ng Oktubre na magsisimula sa mga liblib na lugar gaya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Caraga.

Tatlong barangay din ang nakatakdang magsagawa ng automated elections kabilang ang Barangays Paliparan Tres at Poblacion Zone 2 sa DasmariƱas City, at Barangay Pasong Tamo sa Quezon City. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleListahan ng nominees sa Maharlika Corp. ipapasa kay PBBM sa Setyembre 29
Next article66 BSKE candidates nanganganib madiskwalipika sa premature campaigning