Home OPINION COMELEC NAGPRENO SA PEOPLE’S INITIATIVE

COMELEC NAGPRENO SA PEOPLE’S INITIATIVE

NAGPRENO o sinuspinde ng Commission on Elections ang pagtanggap ng mga pirmadong papel para sa People’s Initiative o PI kaugnay ng pagbabago sa Konstitusyong 1987.

Sabi mismo ni Comelec Chairman George Garcia, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang mga patakaran o tuntunin sa pagpapairal ng PI na sa tingin nila ay kailangang madagdagan para kung sakaling kwestiyunin sila sa Supreme Court, may sapat silang ligal na batayan sa kanilang aksyon.

BATAS SA PI, KULANG NA KULANG TALAGA

Tiyak na nasa likod ng desisyon sa suspensyon, mga Bro, ang desisyon mismo ng Supreme Court ukol sa People’s Initiative batay sa kasong Miriam Defensor Santiago, et al versus Comelec, et al G.R. No. 127325, March 19, 1997.

Sa desisyong ito na sinulat ni noo’y Associate Justice Hilaro Davide, heto ang buntot na tumigbak sa naunang People’s Initiative na pinangunahan ni Atty. Jesus Delfin ngunit kinontra ng grupo nina noo’y Senador Santiago at iba pa:

WHEREFORE, judgment is hereby rendered…b) DECLARING R.A. No. 6735 inadequate to cover the system of initiative on amendments to the Constitution, and to have failed to provide sufficient standard for subordinate legislation.

Malinaw na mismong ang batas sa PI, R.A. No. 6735, eh, hindi sapat, kulang, insufficient, para sa pagpapairal o pagpapatupad ng sistema sa amyenda o rebisyon o pagbabago sa Konstitusyon.

Hindi rin nakapaglatag ang batas ng sapat na pamantayan para sa subordinate legislation.

‘Yun bang === walang sapat na pamantayan mula sa batas para sa paggawa ng Comelec ng implementing rules and regulation.

Doble malas sa mga nagsulong sa PI ang inabot nila sa desisyon ito ng Korte Suprema.

At masasabi na rin natin, na kahit magdagdag pa ang Comelec ng mga patakaran sa IRR ng R.A. 6735, maaaring maharang pa rin ito sa pinakamataas na hukuman.

Baka naman mas mabuting itulak muna ng Comelec ang mga senador at kongresman na ayusin ang nasabing batas para maging sapat ito sa pagsusulong ng PI.

‘Yun bang === unang maamyendahan muna ang nasabing batas bago maamyendahan ang Konstitusyon!

PEKE NA, MAY SUHOL PA

Hindi galing sa atin ang mga salitang Pekeng Initiative con suhol, mga Bro.

Mismong si Sen. Grace Poe ang tumawag sa PI na Pekeng Initiative.

Ang batayan niya: Sa sarbey ukol sa pag-amyenda sa Konstitusyon, isang porsyento lang ng mga mamamayan ang nag-iisip ukol dito at hindi mga mamamayan kundi mga politiko ang nagsusulong ng PI.

Ang suhol? Si Sen. Koko Pimentel ang unang nagsabi na “bribed initiative” ang PI dahil kapalit ng pera ang pagpirma sa papel para rito.

At sinundan ito ng panukala ni Sen. Bong Go na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon para alamin kung totoo ang suhulan dito.

Naunang nabalita na may P100 hanggang P3,000 na ibinibigay sa mga pumipirma sa papel para sa PI.

May nagsabi namang, idinaraan sa programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Aba, sakaling magkaroon nga ng Senate investigation dito, doon na magkakaalaman ukol sa kung may suhol o wala sa PI.

 

 

 

Previous articleMAY EPEKTO BA ANG ‘CHA-CHA’ SA PUBLIC TRANSPORT?
Next articleLotto Draw Result as of | January 30, 2024