Home OPINION MULA NGAYON, SAAN PATUTUNGO ANG PINAS?

MULA NGAYON, SAAN PATUTUNGO ANG PINAS?

NAGKAKAGULO ang mga lider ng bansa ngayon.

Kaya naman, tanong ng ating Uzi, saan kaya patutungo ang ating bansa?

Saan nga ba kung magpapatuloy ang kaguluhan sa mga susunod na mga araw at buwan?

MGA DEMONYO SA PALASYO

NITONG mga nagdaang araw lamang, nagdasal si Senator Imee Marcos sa Jesus is Lord prayer at anti-Cha-cha rally na ilayo ng Panginoong Diyos ang kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos sa mga demonyong nakapaligid sa kanya sa Palasyo.

Kamakalawa, sa interbyu ng DZBB sa kanya, binigyang-linaw ni Manang Imee na nakatali ang Pangulo sa pagsusulong ng Charter change o Cha-cha mismo sa mga demonyong nakapaligid sa kanya sa Palasyo.

Sabi niya, “Hindi ko maintindihan kung paano nabihag ang aking kapatid sa mga kung ano-anong demonyo diyan!

“Ang tingin ko, pinalilibutan ang aking kapatid,” sabay-sabing, “Lungga ng mga ahas ang Malacañang.”

“Sana ang aking kapatid…‘Wag makikinig sa mga demonyo sa Palasyo. Maraming demonyo riyan —dalawang paa at ‘yung iba naman mumu.”

Sino-sino nga ba ang mga demonyo sa Palasyo, huh!

 STUPID, BANGAG

Sa Davao City na nagdaos ng kontra-People’s Initiative at kontra-Cha-cha, kasabay ng Bagong Pilipinas na idinaos sa Luneta, sinabi ni ex-President Digong Duterte, tinawag nitong “bangag” o drug addict si Pang. Bongbong.

Batay umano ito sa report noon sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Sinabi pa ni Pang. Digong, ‘Kayong mga military, alam ninyo ‘yan. Lalo na ‘yung nasa Malacañang. Alam ninyo. The Armed Forces of the Philippines, alam ninyo. May drug addict tayo na Presidente, p-ng inang iyan.

“Mr. President, baka susunod ka sa dinaanan ng tatay mo. Diyan ako takot. Ayaw ko mangyari sa iyo ‘yan. Ako lang nagmamakaawa kasi it will divide the nation at madugo itong panahong ito,” sabi pa ni Pang. Digong.

“”Huwag kayo magpaloko. Alam mo, parliament, ang bisyo niyan, karamihan galing kay (First Lady) Liza Marcos, pati kay (Speaker Martin) Romualdez.”

Sa Cha-cha daraanin ang pananatili sa pwesto ng pamilya Marcos, sabi pa ni Pang. Digong.

Kasunod nito ang panawagan ni Pang. Digong sa militar na protektahan nila ang Konstitusyon at maiwasan ang pagdaloy ng dugo dahil sa Cha-cha.

PASPASAN PARA SA PI

Nakakalap na umano ng sapat ng lagda ang People’s Initiative para sa nag-iisa at hindi hiwalay na pagboto ng mga senador at kongresman para sa pagbabago ng Konstitusyong 1987 sa bisa ng Constituent Assembly.

Sa Constituent Assembly na itatag ng PI, sila-silang senador at kongresman ang magreretoke sa Konstitusyon at sa bawat panukala, waepek ang boto ng 24 senador dahil kakapunin sila ng boto ng 316 kongresman.

Mawawala ang checks and balance na kung ikasasama ng mga mamamayan ang panukala, pwedeng harangin ng mga senador o mga kongresman para maaprubahan.

Simbilis ng kidlat ang gusto ng mga pro-Cha-cha na lakad nila patungo sa Comelec upang maihabol sa Hulyo ang plebisito o botohan para sa “yes” o “no” dahil kung mababalam sila, maaaring mawawala sila sa eksena, dahil matutuon na ang atensyon ng lahat sa Oktubre na pagsusumite ng aplikasyon ng mga kandidato sa darating na eleksyon sa 2025.

Ano nga ba ang mangyayari sa mahal kong Pinas sa gitna ng mga sitwasyong ito?

Previous articlePRESYO NG BIGAS SUKATAN SA PAGBABAGO
Next articleLotto Draw Result as of | January 29, 2024