MANILA, Philippines- Nagsagawa ng internet voting demonstration ang Commission on Elections (Comelec) para sa overseas voting bago ang 2025 national at local elections.
Inimbitahan ng poll body ang walong multinational internet voting solutions providers na magsagawa ng public demonstration ng kanilang teknolohiya at sistema sa pagboto sa internet.
Sinabi ng Comelec na mula sa technology demonstration na ito, inaasahan nitong gagawa ng terms of reference (TOR) para sa pagboto sa internet para sa mga botante sa ibang bansa na “angkop sa mga kinakailangan sa sitwasyon ng Pilipinas, na may pagpapahalaga sa cybersecurity, accuracy, efficiency, cost-effectiveness, convenience, sustainability, transparency, integridad, inclusivity, at higit sa lahat, auditability.”
Ang TOR ay magiging paksa at batayan ng isang pampublikong bidding para sa halalan sa 2025.
Sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na gumastos ang poll body ng P417 milyon para matiyak na makaboboto ang 600,000 Pilipino sa ibang bansa para sa 2022 elections.
Noong nakaraang taon, mayroon lamang 39% voter turnout ng 1.697 milyong registered overseas voters.
Kaya naman aniya, nagpasya ang Comelec na makipagsapalaran sa iba pang paraan ng pagboto, partikular sa internet voting, para makamit ang mas mataas na overseas voter turnout.
“The Filipinos are number one when it comes to internet use. We are also number one when it comes to texting. So we will have to prove to the entire world that because we are number one in such area, then we can avail of this new technology and be allowed to vote,” sabi ni Garcia.
Inanunsyo ng Comelec noong May 2023 ang pag-apruba ng internet voting para sa overseas voters sa 2025 polls.
Base sa Republic Act 9189, o ang Overseas Voting Act, awtorisado ang Comelec na maghanap ng mga teknolohiyang nakabatay sa internet para sa pagboto sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden