MANILA, Philippines- Umabot na sa 125 ang bilang ng disqualification petitions na inihain laban sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) candidates sa umano’y premature campaigning, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia.
Inaasahang dadami pa ito sa mga susunod na araw, sa inaasahang 301 disqualification cases na maihahain base sa initial assessment ng Comelec.
Hanggang nitong October 13, mayroong 148 subpoenas na inilabas at isinilbi sa verified complaints, habang 6,463 show-cause orders ang inisyu para sa unverified complaints.
Sa mahigit 6,000 show-cause orders na ipinalabas, inihayag ni Garcia na 2,894 ang natugunan ng respondents.
Bukod sa disqualification petitions na inihain para sa umano’y premature campaigning, ikinasa rin ng Comelec ang disqualification cases laban sa BSKE bets para sa umano’y vote-buying. RNT/SA