Home NATIONWIDE Comelec sa publiko: Maghain ng reklamo vs premature campaign ng BSKE bets

Comelec sa publiko: Maghain ng reklamo vs premature campaign ng BSKE bets

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia nitong Linggo, Agosto 20 ang mga botante na magsampa ng mga reklamo laban sa mga kandidato para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na mangangampanya bago pa man magsimula ang opisyal na campaign period sa Oktubre 19.

Ipinaalala ni Garcia na ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC para sa 2023 BSKE ay sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2 habang ang campaign period ay isasagawa mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.

“Sa kasalukuyan, wala pang kapangyarihan ang Comelec. Hintayin nila ang August 28 at kapag may nagkaso sa amin. Gusto niyo ba ‘yun na may disqualification cases kayo o kaya haharap kayo ng kasong kriminal na may anim na taon na pagkakakulong?” sabi ni Garcia sa Super Radyo dzBB interview.

Payo ni Garcia sa publiko, kanya-kanyang bantayan na lang at ireklamo sa Comelec .

Sinabi niya na ang mga maghahain ng kanilang COCs ay ikokonsidera na bilang mga kandidato para sa BSKE na itinakda sa Oktubre 30.

Aniya , ang Seksyon 80 ng Omnibus Election Code, na nauukol sa maagang pangangampanya, ay mailalapat na sa kanila.

Hinikayat ni Garcia ang mga Pilipino na huwag iboto ang mga kandidato na lalabag sa batas .

Sinabi ni Garcia na maaaring idokumento ng mga tao ang ebidensya laban sa mga magsasagawa ng premature campaigning sa kani-kanilang lugar, at ipasa ang mga ito sa mga lokal na tanggapan ng Comelec.

Binigyang-diin din ni Garcia na dapat tumestigo ang mga nagrereklamo para patunayan ang kanilang mga reklamo.

Nauna nang pinayagan ng Comelec ang paghahain ng COC sa mga malls at iba pang malalaking pampublikong espasyo para sa mga field offices na hindi kayang tumanggap ng napakaraming tao.

Idadaos ang BSKE sa Oktubre 30.

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na isinasaalang-alang ang 27 lugar na itatalaga bilang election areas of concern sa ilalim ng red category para sa BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBody cam ng mga pulis, limitado lamang sa 2,700 – PNP
Next articleNationwide mall voting target ng Comelec maidaos sa 2025