NAPA-WOW naman ako nang mabalitaan na itong opisyal ng Manila Police District na tinagurian ng kanyang mga kapwa opisyal at mga tauhan na “Sir Vlogger” ay nakuha o nakaposisyon sa minimithi niyang pwesto.
Eh bakit hindi, ipinagyayabang niya na malakas siya kay Mayora Honey Lacuna. Sabagay, kahit noong panahong ang nakaupong alkalde ay si Yorme Kois Moreno, sinasabi niyang malakas siya rito. Pero ang totoo, tuwing umaga na lang ay nag-aalmusal siya ng mga salita mula sa huli dahil sa mga kapalpakan niyang ginagawa.
Malakas nga ba siya kay Mayora? Hello! Nagsumipsip siyang mabuti sa isang elected official ng Maynila na siyang totoong malakas at kapanalig ni Mayora kung kaya nailagay siya sa puwestong gusto niya.
Pumutok ang balita na target niya ang istasyon na kinaroroonan niya ngayon kaya naman may mga kabesa de barangay o barangay chairmen ang nagpahayag ng kanilang pag-ayaw sa opisyal na ito.
Eh bakit nga? Kasi, masyadong ma-epal ang opisyal na ito. Bawat galaw, dinadaan sa pagtiktok o pagpost sa social media ng kanyang mga ginagawa. Kaya nga tinagurian siyang Sir Vlogger.
Sa madaling salita, pabida ang opisyal na ito bukod pa sa napakagaling mangwakwak o manira ng kapwa niya.
Akala niya, hindi alam ng marami ang galawan niya. Hindi niya tiyak aaminin na may gusto siyang matanggal na pulis sa kanyang nasasakupan ngayon kaya naman sinisira niya ito. Akala ba niya, walang nakakaalam na siya ang nagpapadala ng ‘info txt’ sa Camp Bagong Diwa para lang sirain ang pulis na kinaiinggitan niya sa pinuntahan niyang station?
Luma na style mo Sir Vlogger. At para sa kaalaman ni PBGen. Andre P. DIxzon, district director ng MPD, gagamitin lang nitong opisyal na ito ang pwesto para sa ambisyon niyang maging konsehal, o baka nga konsuhol, ng Maynila.
Alam ng marami na plano mong mag-early retirement dahil nais mong kumandidato bilang konsehal ng Maynila dahil nga feeling mo eh sikat na sikat ka na. Totoo naman na sikat ka. Sikat ka sa paniniwala sa kayabangan mo. At sikat ka rin sa pagiging OPM o
‘Oh promise me’ mo. SIge, tanungin natin yung mga kapwa mo opisyal at mga tauhan mo na pinangakuan mo na ipupwesto mo. May hirit ka pa?