Home NATIONWIDE Commuter group sa LTFRB: Hirit na P5 taas-pasahe sa dyip isnabin!

Commuter group sa LTFRB: Hirit na P5 taas-pasahe sa dyip isnabin!

MANILA, Philippines – IGINIIT ng ang commuter advocacy group na The Passenger Forum nitong Martes Nobyembre 14, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang P5 fare increase petition ng transport groups para sa mga pampasaherong jeep.

Sa halip, sinabi ni TPF convenor Primo Morillo na dapat maghanap ang pambansang pamahalaan ng iba pang alternatibong makikinabang sa transport groups at mga commuters tulad ng pagsususpinde sa excise tax para sa mga produktong petrolyo.

“Hindi na kayang bayaran ng mga commuters ang isa pang pasanin. Ang aming mga badyet ay walang anumang allowance para sa isa pang pagtaas ng pamasahe. The LTFRB should decisively disapprove this petition,” ani Morillo.

Kaugnay nito sinimulan na ng LTFRB ang pagdinig para sa petition for fare increase ng iba’t ibang transport groups na humihiling din ng P1 na dagdag sa bawat susunod na kilometro bukod pa sa P5 na dagdag sa minimum fare.

Sinabi ni Morillo na ang P1 na dagdag para sa mga susunod na kilometro ay dapat ding tanggihan.

Samantala ang petisyon para sa pagtaas ng pamasahe ay bunsod ng sunod-sunod na big-time na pagtaas ng presyo ng langis na naunang nag-udyok sa pambansang pamahalaan na maglabas ng fuel subsidy para sa libu-libong public utility vehicles.

Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng LTFRB ang P1 na provisional increase sa minimum fare sa jeepney habang nagpapatuloy ang pagdinig para sa petisyon.

Nauna nang sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na kokonsulta pa rin sila sa National Economic and Development Authority (NEDA) sa anumang desisyon para sa pagtaas ng pamasahe upang masuri ang epekto nito sa inflation.

Samantala nauna nang tinanggihan ng TPF ang P1 na provisional increase ngunit kalaunan ay napilitang sumang-ayon dahil iniisip ng grupo ang kalagayan ng mga driver at operator sa gitna ng pagtaas hindi lamang sa presyo ng gasolina kundi maging ng iba pang mga bilihin.

Pero paliwanag ni Morillo, ibang kuwento ang P5 increase na hinihingi ng transport group.

“Ang mga petitioner mismo ang nagsabi na ang provisional hike na ibinigay noong nakaraang buwan ay nagdagdag ng humigit-kumulang 250 pesos sa araw-araw na kita ng mga jeepney driver. Ibig sabihin nitong bagong round ay magdadagdag ng 1, 250 pesos sa kanilang araw-araw na kita,” ani Morillo.

Para kay Morillo, gayunpaman, ang gobyerno ay mayroon pa ring iba pang mga pagpipilian upang sugpuin ang epekto ng pagtaas ng gasolina. Santi Celario

Previous articleTransmission rate bababa sa NGCP review ng ERC – Gatchalian
Next article275 bahay sa Davao at Zambo naabo