INIHAYAG ni Atty. Dindo Garciano, vice president for Luzon ng Philippine Constitution Association at dating mayor ng Baras,Rizal, na napapanahon na ang isinusulong ng Kongreso na Constitutional Convention on Economic Provision.
Sinabi ni Garciano, ang pagbibigay ng 100 porsiyentong “foreign ownership” sa negosyo ang siyang magsisilbing daan at susi sa pag-unlad ng bansa.
Aniya, Lilikha ng maraming trabaho at hindi na kailangan pang mangibang-bansa ang mga Filipino para buhayin ang kani-kanilang pamilya at pag-aralin hanggang mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak na siyang susunod na henerasyon.
Iginiit pa ng abogado, magiging tuloy-tuloy ang pag-unlad ng bansa, pag-unlad sa kabuhayan at lahat ng Pinoy ay magkakaroon ng trabaho at aasenso ang buhay ng bawat isa.
Sa ngayon ay nakadalawang hearing na sa mababang kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni Cagayan De Oro City Congressman Rufus Rodriguez na siyang Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments ang Charter Change on economic provision.
Naniniwala si Garciano, isa mga dumalo sa hearing noong unang pagdinig, na aani ng malaking suporta ang panukala ni Rep. Rodriguez.
Dagdag pa ng dating alkalde ng Baras, sa Concon ay iboboto ang mga delagado bukod pa sa isasangkot ang publiko sa pamamagitan ng pagdaraos ng plebesito.
Aba’y tama ba ang sinasabi ni Garciano ngayong lugmok ang ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya? Naayon nga ba ang nakikitang solusyon sa pagbangon ng bansa ay ang PhilConsa kung saan aalisin ang ‘restriction’ sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa ating bansa?
SUGALAN NI SUSAN TULOY
Tuloy-tuloy at walang tigil ang pasugal ni Susan Tisay sa Montalban, Rizal. Hindi lang batid ng inyong lingkod kung hawak ni Susan Tisay ang buong lalawigan.
Ayon kasi sa mga kobrador at kabo ng mga pasugal sa nasabing lugar, tuloy-tuloy lang ang “Peryahang Bayan” na pinatatakbo ng ilang retiradong pulis kahit pa ilang beses nang tinangkang pigilan ng Philippine Charity Sweepstakes Office at sinasabing wala silang basbas sa operasyon ng PNB.