MANILA, Philippines – Gustong ibigay ni Senador Raffy Tulfo ang malaking bahagi ng confidential funds ng Department of Agriculture (DA) na hinahawak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., patungo sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC).
Ipinalutang ni Tulfo ang pananaw sa ginanap na deliberasyon ng Senate subcommittee on finance sa panukalang 2024 budget ng Department of Justice (DOJ) at attached agencies nito.
Mahigit P34.486 bilyon ang hinihinging badyet ng DOJ kasama ang attached agencies para sa 2024.
Narito ang pondong ilalaan sa naturang ahensiya:
NBI – P4.57 billion
Bureau of Immigration – P4.24 billion
Bureau of Corrections – P7.24 billion
Parole and Probation Administration – P920 million
Land Registration Authority – P1.21 billion
Office of the Government Corporate Counsel – P233.26 million
Office of the Solicitor General – P1.409 billion
Presidential Commission on Good Government – P159.85 million
Public Attorney’s Office – P5.275 billion
Office for Alternative Dispute Resolution – P1.96 million
Sinabi ni Tulfo na hindi sapat ang alokasyon sa NBI kaya’t nararapat na dagdagan ito mula sa confidential funds ng DA.
“Wag sanang magalit ang DA, kasi noong last hearing, napansin kong meron silang P50 million confidential funds. Tinanong ko kung para saan [tapos] ang sabi ng taga DA ay to go after smugglers. Sabi ko nandyan naman ang Bureau of Customs (BOC), ang Philippine National Police (PNP), [o] NBI. Hindi masagot,” ayon kay Tulfo.
“I’m proposing na medyo pumitas tayo sa budget ng DA sa confidential funds at i-transfer natin doon sa NBI. Siguro i-distribute [din] natin [sa] PNP [o] BOC. Nasa discretion niyo po ‘yon. Para sa akin kasi, it doesn’t make sense na ang DA ay magkakaroon ng confidential funds,” giit pa ni Tulfo.
Sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng DA, gustong alisin ni Tulfo ang secret funds nito kung walang ibang layunin kundi labanan ang anti-agricultural smuggling na ginawa ng ilang law enforcement agencies. Ernie Reyes