MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senator Raffy Tulfo nitong Lunes, Setyembre 11 na maglaan ng confidential funds sa Department of Migrant Workers (DMW) upang labanan ang illegal recruitment ng overseas Filipino workers (OFWs).
“Siguro panahon na para mabigyan din ng confidential fund itong DMW. Why? Napakaraming mga illegal recruiter d’yan. Illegal recruitment agency na dapat tugisin. Napakarami d’yang mga scammer na ang bini-victimize ay mga OFWs. Love scam, pineperahan, kinikikilan kaya karamihan sa mga OFWs pagbalik dito, wala na’ng pera, ubos na ang pera dahil niloloko ng mga scammer. Inuubos ang kanilang pera,” ayon kay Tulfo sa ginanap na pagdinig ng Senate finance committee hearing sa badyet ng DMW sa 2024.
“Hindi ako pumapalag pagka ‘yung iba’t ibang ahensya ng gobyerno nabibigyan ng confidential funds… Kung ‘yung other government agencies nabibigyan ng intelligence, confidential funds, wala ko problema d’on. Why not DMW? Mas kailangan nila ang confidential fund,” giit pa ni Tulfo, chairman ng Senate committee on migrant workers.
Aniya, may pangangailangan ng naturang pondo at itaas ang alokasyon mula P25 milyon tungo sa P50 milyon para sa confidential funds ng DMW.
Sinusugan naman ito ni Senador JV Ejercito, saka binanggit ang problema ng OFWs na nagiging biktima ng tiwaling indibiduwal.
“Marami talagang nagsasamantala. Kawawa ‘yung OFW, bago pa umalis, binukulan na. Marami na nanloloko talaga,” ayon kay Ejercito.
Inihayag ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac sa komite na humingi ang ahensiya ng P10 million halaga ng confidential funds sa orihinal badyet ng ahensiya sa 2024.
Pero, hindi naisama ang alokasyon sa National Expenditures Program (NEP) na binuo ng Department of Budget and Management at inaprubahan ng Palasyo.
“In the past we relied on law enforcement on confidential funds, but of course, with the wisdom of the Senate, pwede po, we had initially proposed sa tier 1 at P10-M, confi fund, pero hindi po naisama sa NEP. But of course, we will be subject to the wisdom (of the Senate),” ayon kay Cacdac. Ernie Reyes