ANG kamalayan ay karugtong ng seguridad. Ito ang punto ni Bise Presidente Sara Duterte bilang Education Secretary.
Kamalayan na ‘di lamang natututunan sa mga tahanan bagkus ay sa maraming panahon ng pag-aaral.
Paaralan ang pangalawa nating tahanan mula sa ating kamumusan upang lumawig ang ating kaalaman sa lahat ng bagay, lalo na sa ating pag-uugali, kultura at kasaysayan, at maging mga batas.
Sa kalagitnaan nang ating paglalakbay upang punuin ang ating kaisipan ng mga kaalaman, sa mga paaralan din natin natututunan ang mga bagay na ‘di natin dapat taglayin dahil nakakahalubilo natin dito ang iba’t-ibang uri ng tao.
Ito ang nasa isip ni Inday Sara, ang protektahan ang ating mga bata sa mga ganitong karanasan. Pangalagaan sila habang sila ay nasa paaralan. Iiwas ang batang kaisipan na maipluwensiyahan ng mga maling paniniwala at mga ideolohiyang ‘di naaayon sa mga batas.
May mga taong ito lamang ang pakay, at naglalagay ng kanilang mga galamay sa mga paaralan upang makahikayat ng mga mag-aaral. Nanakawin at lalasunin ang kaisipan ng mga kabataan para lamang sumanib sa kilusang walang patutunguhan kundi kamatayan.
Paano mo lalabanan ang ganitong mapanganib at gamit ang ‘tusong’ pamamaraan? Paano mo ii-iwas na mapawalay ang mga magulang sa kanilang mga anak, pinagsikapang pag-aralin ang kanilang mga anak para sa magandang kinabukasan?
Hindi na ako magkukwento ng mga narinig kong karanasan ng mga magulang na nawalan ng kanilang mga anak dahil nahikayat ng mga komunistang-terorista samahang CPP-NPA-NDF.
Ang bibigyang diin ko ay ang hinihinging panlaban ni Inday Sara sa ‘tusong’ pamamaraang ito ng CPP-NPA-NDF, na ayon sa intelligence report ng ating pulisya at militar ay nangyayari na kahit sa secondary level o mga high school sa bansa, bukod pa sa talagang sentro nang ‘pagrere-recruit’ ng mga komunistang-terorista sa ating mga mag-aaral.
Ito ang hinihingan ni Inday Sara nang panlaban na tinanggal naman ng kanyang mga kalaban sa politika. Kaya kayo na mismong mga magulang na ang magbantay sa inyong mga anak, upang ‘di maging NPA ang mga mahal n’yo sa buhay.