Home NATIONWIDE Confidential fund ng Kamara, fake news – Rep. Quimbo

Confidential fund ng Kamara, fake news – Rep. Quimbo

MANILA, Philippines – Tinuring na fake news ng House Committee on Appropriations ang ilang social media posts na nagsasabing mayroong P1.6 bilyong confidential fund ang House of Representatives.

“Wala pong confidential funds ang House. ‘Yun pong sinasabing P1.6 billion ay Extra Ordinary Expenses,” paliwanag ni House Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo.

Giit naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co na malinaw na mapaglinlang at fake news ang nasabing report.

Ipinaliwanag ni Quimbo na bagamat ang Extra Ordinary fund ay kasama sa kategorya ng Confidential and Intelligence Funds sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, ito ay dumadaan sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) hindi katulad ng confidential and intelligence fund (CIF).

“Yung extra ordinary po ay fully auditable which is different from confidential at ang Congress ay wala po nung confidential (
fund. Yung extra ordinary po ay kagaya ng expenses during calamities—so that’s an example of an extra-ordinary expense,” ani Quimbo.

Una nang inihayag ni Quimbo na napagdesisyunan ng small committee na tanggalan ng confidential fund ang limang ahensya ng pamahalaan kabilang dito ang Office of the Vice President, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture at Department of Foreign Affairs.

Ang kabuuang P1.23 bilyon na confidential fund mula sa mga nabanggit na ahensya ay ililipat sa mga ahensyang may kaugnayan sa pagbibigay ng proteksyon sa West Philippine Sea.

Nilinaw naman ni Quimbo na mayroon pa ring mga ahensya na binigyan ng confidential funds gaya ng Department of Justice at Bureau of Customs dahil sa bahagi ng kanilang mandato ang surveillance activities. Gail Mendoza

Previous articleDOTr chief, 2 kongresista swak sa ‘korapsyon’ sa LTFRB
Next articleLotto bettors bokya sa P126.6-M jackpot