Home HOME BANNER STORY Confidential funds ng OVP kinuwestiyon sa SC

Confidential funds ng OVP kinuwestiyon sa SC

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon sa Supreme Court ang paggamit ng Office of the Vice President ng Confidential at Intelligence Fund.

Naghain ng petition for certiorari at mandamus sa Korte Suprema sina dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at 49 iba pang petitioner.

Hiniling sa 45-pahinang petisyon na ipawalang-bisa ang Executive Order o EO2 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang Joint Circular ng Commission on Audit na ginagamit upang itago sa publiko ang paggamit ng confidential at intelligence fund ng mga ahensya ng pamahalaan.

Hiniling din ng grupo ng mga petitioner na ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang guidelines sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Ang paghahain ng petisyon ay dulot ng pagtanggi ng Office of the Vice President sa kanilang kahilingan na mabigyan ng kopya ng official records at audit sa paggamit ng confidential funds.

Idinahilan anila ng OVP na sakop ng privilege communication sa ilalim ng Executive Order No. 2 ni dating Pang. Rodrigo Duterte at Joint Circular No. 2015-01, na guidelines sa pagre-release at audit ng confidential at intelligence funds.

Iginiit ng petitioners na labag sa Saligang Batas ang mga probisyon ng EO at Joint Circular dahil tinatanggalan ng mga ito ng karapatan ang publikong malaman ang mga impormasyon at ang full disclosure ng paggastos ng pondo ng pamahalaan.

Hindi aniya batas ang nasabing EO at Joint Circular kaya hindi dapat nalilimitahan ang paglalabas ng impormasyon sa paggamit ng pondo.

Kamakailan ay naghain sa Korte Suprema ang grupo nina Atty. Barry Gutierrez na kumukwestiyon naman sa pagsasalin ng ₱125-million contingent fund ng Office of the President sa OVP bilang confidential fund noong 2022. Teresa Tavares

Previous articleAlex Eala umusad sa round of 16 ng Luxembourg tourney
Next articleSingle ticketing system umarangkada sa San Juan City