Home NATIONWIDE Cong. Teves nais dumalo sa SONA ni PBBM

Cong. Teves nais dumalo sa SONA ni PBBM

125
0

MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG si suspended Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo “Arnie” Teves na masaksihan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Teves sa ginanap na pulong balitaan na “Taumbayan Media Forum” sa Maynila kung saan humarap si Teves sa pamamagitan ng “video conferencing”.

Aniya, nais nitong makibahagi sa SONA ng Presidente sa pamamagitan ng video conferencing o online gayundin ay nagpahayag ito na nais nitong ipagpatuloy ang kanyang trabaho sa Kamara kahit sa online lamang ngunit hinahadlangan daw siya sa pagtupad sa tungkulin at parang gusto pa siyang tanggalin bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.

Nauna nang sinabi ni Teves na hindi pa siya uuwi ng Pilipinas dahil sa patuloy na banta sa kanyang buhay, kasunod ng pagkakadawit sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Si Teves ay muling pinatawan ng Kamara ng 60-araw na suspensyon dahil sa patuloy na pagliban sa trabaho sa Kapulungan at pananatili sa ibang bansa, gayung expired o napaso na ang kanyang travel authority.

Kaugnay nito, buo na ang pasiya ng kampo ni Teves, Jr. na muling ihirit ang pag-inhibit ng Department of Justice (DOJ) sa paghawak sa kaso ng pagpaslang kay Gov. Roel Degamo

Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, na maghahain sila ng motion for reconsideration sa ibinasura nilang apela na motion for inhibition sa susunod na preliminary investigation na gaganapin sa Hulyo 17.

Aniya, may 10-araw pa sila mula Biyernes, Hulyo 07, upang plantsahin ang iba pa nilang isasagawang hakbang, maliban sa paghahain ng motion for reconsideration, kabilang na rito ang paghahain nila ng mga pleadings sa susunod na pagdinig.

Muli namang nagpahayag si Teves ng kanyang mga saloobin, payo at katanungan kabilang ang pananatili umano ng 20 porsiyento tara ng mga mambabatas sa bawa’t proyekto.

Kaugnay naman ng bintang na bagman umano niya ang detenidong si Jose Adrian “Jad” Dera na siyang nagpapamahagi umano ng salapi sa mga testigo ng DOJ upang bawiin ang kanilang testimonya, mariing sinabi ni Teves na hindi niya kilala ang lalaki.

Samantala, Binigyang-diin ni Teves na hindi niya intensyon na personal na hamunin ang Pangulo at si House Speaker Martin Romualdez bagkus dinala lamang niya sa kanilang atensyon ang mga isyung gustong masagot at linawin ng mga netizen at ng publiko.

Umapela din si Teves sa Pangulo na tuparin ang kanyang pangako noong eleksyon na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 lamang kada kilo.

“Nasaan ang ipinangakong P20 kada kilo ng bigas?” ani Teves.
Muli namang itinanggi ni Teves ang pagkakasangkot sa pagpatay kay gobernador Roel Degamo na naninindigan na siya at ang kanyang pamilya ay biktima ng political persecution.

“Ang aking kapatid na si {Henry), na nanalo sa halalan, ay napilitang bumaba sa puwesto,” ani Teves.

Sinabi din ni Teves na may gustong kontrolin ang pulitika, kapangyarihan at badyet sa kanyang distrito sa Negros Oriental sa kapinsalaan ng kanyang mga nasasakupan. RNT

Previous articleGlobal air travel lumago ng 96.1% sa pre-pandemic levels noong Mayo
Next articleDentista, arestado sa iligal na armas

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here