Home NATIONWIDE Consultancy firm na iligal na nagre-recruit ng seafarers kinandado

Consultancy firm na iligal na nagre-recruit ng seafarers kinandado

(c) Department of Migrant Workers

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy agency dahil sa pag-ooperate bilang recruitment agency nang walang lisensya.

Ayon sa DMW, ang kumpanyang Double D Training Consultancy sa Sta. Cruz, Maynila ay inireklamo ng ilang aplikanteng seaman na hindi makasampa ng barko sa kabila ng pagbabayad sa siningil na placement fee na P80,000.

Depensa ng admin officer ng kumpanya, hindi talaga sila nagpoproseso ng recruitment kundi nagrerefer lamang sila ng mga aplikante sa recruitment agency.

Giit ni DMW Asst Secretary Francis de Guzman, maituturing pa rin na illegal recruitment ang anomang uri ng referral ng mga hindi lisensyadong recruitment agencies.

Mahigpit din itong nagpaalala na bawal ang paniningil ng placement fee sa mga seaman na nag-appky para makapagtrabaho sa barko.

Dapat din umanongĀ  i-check sa official website ng DMW kung rehistrado ang recruitment agency para maiwasang maloko.

Iwasan umanong makipag-transaksyon sa social media o online, at dapat tiyaking may resibo sa mga sisingiling bayarin ng agency.

Ito na ang ikaapat na illegal recruitment agency na ipinasara ng DMW ngayong taon.

Iniimbestigahan at pagpapaliwanagin rin aniya ang mga recruitment agencies na naging kasabwat ng kumpanya sa pagrerefer ng mga aplikante.

Posibleng maharap sa kasong large scale o syndicated illegal recruitment ang mga nahuling opisyal at empleyado ng agency.

Hinimok naman ng DMW ang iba pang posibleng nabiktima ng kumpanya na makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa posibleng dagdag na reklamo sa kumpanya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePaglaya ni De Lima ikinatuwa ng obispo, pero ‘bakit ngayong lang?’
Next articleDeliberasyon sa badyet ng CHR sinuspinde ng Senado sa abortion issue