MANILA, Philippines- Nasawi ang isang criminology student matapos siyang pagtulungang bugbugin at hatawin ng hollow blocks ng humigit-kumulang 10 indibidwal sa labas ng isang bar sa Tondo, Manila.
Ayon kay MPD-Homicide Section Chief Capt. Dennis Turla, kinilala ang biktima na si Randall Bonifacio .
Sa ulat, pauwi na ang biktima kasama ng kanyang mga kaibigan nang ikutan sila ng mga kalalakihan.
Ilan sa mga suspek ay paulit-ulit na pinaghahampas ang biktima sa mukha gamit ang hollow blocks kaya matindi ang naging pinsala nito sa kanyang ulo bagama’t naitakbo pa sa ospital at na-confine ngunit binawian din ng buhay.
Ayon sa ilang testigo, nangyari ang insidente nang may isang lalaki umanong padaan-daan na nakabanggaan ni Bonifacio.
Inakala ng mga kasamahan ng biktima na ayos na ang lahat matapos silang humingi ng pasensya ngunit makaraan ang ilang minuto ay bumalik ang lalaki na may mga kasama saka sinugod, pinagsusuntok at pinagbabato si Bonifacio.
Ayon kay Turla, murder ang isasampang kaso laban sa mga suspek. Ilan sa kanila ay natukoy na ngunit hindi muna binanggit ang kanilang mga pangalan habang nagsasagawa ng follow-up operation. Jocelyn Tabangcura-Domenden