Home NATIONWIDE CSC muling nagbabala sa ‘di awtorisadong paggamit ng kanilang pangalan, logo

CSC muling nagbabala sa ‘di awtorisadong paggamit ng kanilang pangalan, logo

MANILA, Philippines – NAGBABALA ang pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) sa mga indibidwal at grupo na gumagamit ng pangalan at logo ng ahensya nang walang awtoridad dahil maaari silang maharap sa criminal prosecution at pagkakakulong.

Nabatid sa CSC na walang indibidwal o entity ang binigyan ng pahintulot na gamitin ang pangalan at logo nito, kabilang ang lumang CSC emblem, para sa anumang aktibidad o online na promosyon, kabilang ngunit hindi limitado sa solicitation, recruitment, produksyon ng mga materyales, at enrollment para sa review classes.

Giit ni CSC Chairperson Karlo Nograles na ang hindi awtorisadong paggamit ng logo ng CSC ng mga indibidwal o entity nang walang nakasulat na pahintulot, pag-eendorso, o pag-apruba ng CSC ay nagsasagawa ng mga mapanlinlang na gawain at dapat kaharapin ang kaukulang parusa na naaayon sa batas.

“We have received reports about the unauthorized use of the CSC logo which misleads the public and undermines the integrity of our services. To prevent potential fraud and misinformation, we strongly advise the public to be vigilant by verifying first the authenticity of any communication or transaction with entities claiming to represent the Commission,” panghihimok ni Chairperson Nograles.

Binigyang-diin pa ni Nograles sa publiko na isang opisyal na account lamang ang pinananatili ng Komisyon sa Facebook, Instagram, YouTube, at TikTok, at bawat CSC Regional Office ay nagtataglay lamang ng isang opisyal na Facebook page.

Nabatid na may mga ulat din ng mga indibidwal na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal at empleyado ng CSC sa panggigipit sa mga empleyado ng iba pang ahensya ng gobyerno upang pilitin silang magbayad ng ilang mga pautang at obligasyon mula sa mga indibidwal o institusyong nagpapautang.

Batay sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code, ang usurpation of authority o official functions ay ginagawa kapag ang isang tao ay sinasadya at maling kumakatawan sa kanyang sarili bilang isang opisyal, ahente o kinatawan ng anumang departamento o ahensya ng Gobyerno ng Pilipinas o ng anumang dayuhang pamahalaan, sa ilalim ng pagkukunwari ng opisyal na posisyon, ay dapat magsagawa ng anumang kilos na nauukol sa sinumang may awtoridad o pampublikong opisyal ng Pamahalaan ng Pilipinas o anumang dayuhang pamahalaan, o anumang ahensya nito, nang walang legal na karapatan na gawin ito. Ang mga lumalabag na mapatunayang nagkasala sa krimeng ito ay dapat parusahan ng pagkakulong.

Pinayuhan ni Chairperson Nograles ang publiko na agad na i-report sa CSC ang anumang engkwentro sa mga indibidwal o grupo na nagsasabing kinakatawan ang ahensya. Maaaring isumite ang mga ulat sa pamamagitan ng Contact Center ng Bayan ng CSC sa 0908 881 6565 o sa CSC Examination, Recruitment, and Placement Office sa pamamagitan ng mga numero ng telepono 8951-2578 at 8931-8163 o sa pamamagitan ng [email protected]. RNT

Previous articleEnrile nakatanggap na ng P100K cash incentive – DSWD
Next articleAyuda sa mga pamilyang sapul ng El Niño tiniyak ng DSWD