Home NATIONWIDE CSC pinaalalahanan ang gov’t employees vs electioneering at partisan political activities

CSC pinaalalahanan ang gov’t employees vs electioneering at partisan political activities

PINAALALAHANAN ng Civil Service Commission (CSC) ang nasa 1.9 milyong empleyado ng gobyerno sa buong bansa na iwasang makilahok sa anumang aktibidades ng mga kandidato sa darating na halalan ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan habang nagsasagawa ang mga ito ng pangangampanya sa pagitan ng Oktubre 19 hanggang 28 taon kasalukuyan.

Ayon sa CSC, ang electioneering at partisan political activity ay tumutukoy sa mga gawaing idinisenyo upang isulong ang halalan o pagkatalo ng isang partikular na kandidato o partido sa public office. Binanggit ng CSC na ang 1987 Constitution ay nag-uutos na walang opisyal o empleyado sa serbisyong sibil ang makisangkot, direkta o hindi direkta, sa mga gawaing ito. Ang parehong pagbabawal ay matatagpuan sa The CSC – Commission on Elections (COMELEC) Joint Circular No. 1, series of 2016 na ipinahayag noong Marso 29, 2016.

“The Commission acknowledges civil servants’ shared desire to contribute to improved public service delivery through electoral participation. However, we must remain mindful not to engage in electioneering or partisan activities during this period. This precautionary measure underscores our commitment to maintaining the integrity and neutrality of the public service,” payo ni CSC Chairperson Karlo Nograles sa mga empleyado ng gobyerno.

Saklaw ng nasabing kautusan ang mga miyembro ng serbisyong sibil, permanente man, pansamantala, kontraktwal, o kaswal, na nagtatrabaho sa lahat ng sangay, subdibisyon, instrumentalidad, at ahensya ng gobyerno ng Pilipinas; mga career officers na may hawak na mga political offices mapa-acting man o officer-in-charge (OIC); at nakauniporme at miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Saklaw din ang mga empleyadong nasa leave of absence.

Gayunpaman, ang mga lingkod na sibil ay pinahihintulutan ng bumoto, ipahayag ang kanilang mga pananaw sa kasalukuyang mga problema o isyu sa pulitika, banggitin ang mga pangalan ng mga kandidato o partido na sinusuportahan nila, at karaniwang ipahayag ang kanilang mga opinyon o makisali sa mga talakayan ng mga posibleng isyu sa darating na halalan, o sa mga katangian ng o mga pagpuna laban sa mga posibleng kandidato na ihirang sa isang nalalapit na kumbensyon ng partidong pampulitika.

Tungkol naman sa paggamit ng social media, ang mga manggagawa ng gobyerno ay maaaring mag-repost, magbahagi, mag-like, magkomento, o mag-follow sa account ng isang kandidato o partido hangga’t hindi sila tahasang humihingi ng suporta para o laban sa isang kandidato o partido sa panahon ng kampanya.

Ang mga empleyado ng gobyerno na mapapatunayang nagkasala ng direkta o hindi direktang pakikibahagi sa mga partisan political na aktibidad ay papatawan ng multang isang buwan at isang araw hanggang anim na buwang suspensiyon para sa unang pagkakasala, at pagkakatanggal sa serbisyo para sa ikalawang pagkakasala, ayon sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service. RNT

Previous article#CancelledFlight sa Dipolog Airport, Okt. 20-24
Next articleMapayapang eleksyon sa Negros tiniyak ng kasundaluhan