Home METRO Curfew sa San Andres, Quezon ipinatupad sa bakbakan ng Army, NPA

Curfew sa San Andres, Quezon ipinatupad sa bakbakan ng Army, NPA

123
0

MANILA, Philippines – Nagpatupad ng mas mahigpit pang curfew ang alkalde ng San Andres, Quezon kasunod ng serye ng mga engkwentro sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA).

Sa ilalim ng Executive Order No. 4 na inilabas ni Mayor Ralph Edward Lim noong Pebrero 1, sinabi nito na bawal ang sinuman na lumabas ng kanilang tirahan mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga maliban na lamang sa medical emergency at iba pang mahalagang rason.

“The movements of local residents, visitors, and tourists whether inward or outward are likewise restricted, subject to the SOP (standard operating procedures) of the police,” ani Lim.

Maliban dito, ipinag-utos na rin ng alkalde sa pulisya ang paglalatag ng checkpoint sa mga hangganan ng munisipalidad partikular na sa barangay Talisay at Tala.

Papayagan namang makapasok sa checkpoint ang mga cargo trucks, passenger vans, private cars, at public utility buses na biyaheng Masbate.

“The number of passengers shall be recorded at the checkpoint, and the plate numbers of the vehicles shall be noted,” saad sa kautusan.

Sinabi rin ni Lim na pinapayagan din na dumaan ang lahat ng motorista mula Masbate na tatawid sa bayan papunta sa iba pang mga munisipalidad “provided they will head straight without stopping over to any point in between.”

Para na rin sa seguridad, ipinagpaliban na muna ang lahat ng mga nakatakdang pagpupulong at convention sa bayan ng San Andres.

Hindi naman tinukoy kung hanggang kailan tatagal ang naturang kautusan. RNT/JGC

Previous articleLalaki pinagbabaril sa loob ng bahay, patay
Next articleBumaril sa staff ng Ombudsman nadakip na ng QCPD