Cyber graduation sa Taguig, ikinasa; Mga robot, nagmartsa

Cyber graduation sa Taguig, ikinasa; Mga robot, nagmartsa

May 22, 2020 @ 4:07 PM 6 days ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Kakaiba ang nangyaring graduation rites sa Taguig matapos na ikasa ng lokal na gobyerno nito ang high-tech na graduation para sa mga nagsipagtapos na estudyante.

Ngayong araw ay isinagawa ng Taguig Local Government Unit ang kaunaunahang Cyber- Graduation Ceremonies sa Sen. Renato Companero Cayetano Memorial Science and Technology High School Pamayanang Diego Silang, Ususan, Taguig City.

Gamit ang isang robot na gawa mismo ng mga mag-aaral ay sinikap ni Mayor Lino Cayetano na matupad pa rin ang pangarap na pag-martsa ng mga mag-aaral sa kanilang graduation.

Ang siste, ang robot na may mukha ng estudyanteng nagtapos ang kukuha ng diploma para makaiwas sa banta ng coronavirus disease.

Umaabot sa 179 na mag-aaral sa high school ang magtatapos ngayong araw sa nasabing eskuwelahan.

Sa kabuuan, nasa 17,000 ang mga magtatapos na estudyante sa school year 2019 at 2020.

Hindi naman pinabayaan ni Mayor Lino ang mga bagong graduates dahil bibigyan din niya ang mga ito ng cash incentives.

Lahat ng magtatapos mula sa elementary ay makakatanggap ng P1,000 bawat isa at P1,500 naman sa High School mula sa lokal na pamahalaan ng Taguig.

Ang Top 1 o first honor na may parangal na magtatapos sa grade 6 at grade 12 ay makatatanggap ng P15,000 habang ang 2nd honor ay makatatanggap naman ng P12,500.

Ang top 3 sa top 10 na magtatapos sa grade 12 ay makatatanggap ng P7,500 bawat isa at ang top 3 sa top 10 naman magtatapos sa grade 6 ay makakatanggap ng P5,000 bawat isa.

P5,000 naman sa Top 1 student per class sa grade 12 at P2,500 naman sa grade 6 Top 1 student per class. RNT/CM

Share

Leave a Reply

Loading...