Home TOP STORIES Cyberlibel case ng Naga mayor vs supporter ni ex-VP Leni binasura

Cyberlibel case ng Naga mayor vs supporter ni ex-VP Leni binasura

“Dapat bukas sa mga batikos at puna ng mamamayan ang sinumang opisyal bilang bahagi ito ng kanilang trabaho.”

Ito ang nakasaad sa resolusyon ng Naga City Prosecutor’s Office makaraang ibasura ang reklamong cyber libel na isinampa ni Mayor Nelson Legacion laban sa isang supporter umano ni dating Vice President Leni Robredo, dahil na rin sa kawalan ng sapat na merito nito.

Batay sa resolusyon na inilabas ni Prosecutor Ruben Almerol Jr., hindi umano nakitaan ng malisya ang ginawang komento ni Domina Bien Realda sa survey na isinagawa ng “Bagong Bicol” Facebook page patungkol kay Legacion.

Ang nasabing survey ay may kinalaman sa pagpili sa pagitan nina Legacion at Robredo bilang alkalde ng lungsod para sa 2025 local election kung saan umalma si Legacion sa naging komento ni Realda na nagsasabing tiwaling opisyal umano ang alkalde.

Naniniwala si Legacion na nakasisira sa kanyang pagkatao at reputasyon ang ginawang komento ni Realda kaya’t inihain ang reklamong cyber libel alinsunod sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Katwiran ni Realda, pinili lamang niya sa survey si Robredo at ang kanyang komento ay sagot lamang sa pahayag ng isa pang netizen. RNT

Previous articleBoses ni Nora, ayos na, kumanta sa Pieta!
Next article452 OFWs na nawalan ng trabaho sa N. Zealand tinulungan ng DMW