Home NATIONWIDE DA chief: Higit ₱90B kailangan sa pagtugon sa isyu sa agri sector

DA chief: Higit ₱90B kailangan sa pagtugon sa isyu sa agri sector

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na kailangang mamuhunan ang gobyerno ng mahigit ₱90 bilyon para maitayo ang mga imprastraktura na kailangan para matiyak ang food security at mapababa ang mga presyo, ayon sa hepe ng agrikultura ng bansa.

Sa isang sektoral na pagpupulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Martes, Enero 16, inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanyang tatlong taong plano na palakasin ang industriya, na uunahin ang pagtatatag ng post-harvest at cold storage facilities sa buong Pilipinas.

“Marami tayong imprastraktura na itatayo,” aniya sa isang briefing.

Kaugnay nito para sa mga post-harvest facility lamang, sinabi ni Laurel na ang Department of Agriculture (DA) ay mangangailangan ng ₱93 bilyon sa susunod na tatlong taon.

“[Ito ay] para makatipid ng ₱10.7 bilyon kada taon sa nasayang na palay at mais. Nawawalan tayo ng 12.7% hanggang 15% ng produksyon ng palay dahil sa kakulangan ng post-harvest facility,” aniya.

“Walang malaking post-harvest facility ang pinondohan ng gobyerno sa nakalipas na 40 taon. Puro patingi-tingi, maliliit [They’re small] which is irrelevant or useless,” dagdag pa nito.

Ipinunto ni Laurel na hindi kayang bayaran ng sektor ang katulad na paraan, na idiniin na ang administrasyong Marcos ay kailangang itulak ang mas malalaking pasilidad.

Para sa cold storage facilities, sinabi ng agriculture chief na naglaan siya ng ₱1 bilyon para sa 2023, at target ng DA na magtayo ng apat na cold storage facility sa Taguig, La Union o Benguet, Mindoro, at Quezon.

Samantala sa 2025, magtatatag ang gobyerno ng mga cold storage facility sa Visayas at Mindanao.

Ang paglutas sa problema ng cold storage sa buong bansa ay mangangailangan ng karagdagang ₱5 bilyon, dagdag niya.

Sinabi ni Laurel na tutugunan din ng plano ang mga problema sa logistik, gayundin ang pagtulak para sa digitalization ng data.

“Thirty percent of our produce, especially vegetables, is gone because of poor logistics. Kung maaari nating bawasan o halos maalis ‘yung mga pagkalugi na ‘yun, equivalent to at least 10% to 15% less cost sa high-value crops, fruits,” dagdag pa nito. (Santi Celario)

Previous articleDoJ at UN special rapporteur magpupulong sa sunod na linggo
Next articleUE Manila nanguna sa Dentists Licensure exam