MANILA, Philippines – Naglaan ng P326 milyon pondo ang Department of Agriculture para sa industriya ng sibuyas para sa taong 2023.
Layon ng pondong ito na mapalakas pa ang produksyon sa nabanggit na industriya.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Pebrero 8, ito ay sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng kagawaran.
Nasa P69 milyon ang nakalaan para sa onion production support services, kabilang ang pagbibigay ng binhi at iba pang farm inputs habang P3.2 milyon naman ang para sa irrigation network facilities at P1.9 milyon sa pagpapalawig pa ng suporta, edukasyon at pagsasanay para sa mga magsasaka.
Dagdag pa, nagbigay din ang naturang programa ng P6.486 milyon para sa farm production-related machinery at equipment distribution; P2.359 milyon sa production facilities, at P2.5 milyon naman sa postharvest and processing equipment at machinery distribution.
Inaasahan din ang pagtatayo ngayong taon ng pitong cold storage facilities para sa sibuyas na nagkakahalaga ng P240.575 milyon sa mga key production areas sa bansa.
Ayon sa PCO, ang cold storage facilities na ito ay magkakaroon ng 10,000-bag capacity na magbibigay benepisyo sa Pangasinan Onion Growers Association sa Umingan, Pangasinan at Federation of Aritao Farmers Onion, Garlic and Ginger Association sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Samantala, igagawad din ang 20,000-bag capacity cold storage facilities sa New Hermosa Farmers Association sa Hermosa, Bataan; Nagkakaisang Magsasaka Agricultural MPC sa Talavera, Nueva Ecija, at Valiant Primary Multipurpose Cooperative sa Bongabon, Nueva Ecija.
Dagdag pa, makatatanggap din ang Salvacion United Farmers Multi-Purpose Cooperative at Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multi-Purpose Cooperative sa Rizal at Sablayan, Occidental Mindoro ng 20,000-bag capacity cold storage facilities.
Sinabi pa ng PCO na kabuuang 10 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) region ang makatatanggap ng financial grant na nagkaahalaga ng P40 milyon sa ilalim ng DA Enhanced Kadiwa: Sagip Sibuyas Project.
“Under the Sagip Sibuyas Project, eligible FCAs shall use the grant of up to P5 million for trading capital to cover the costs of procuring onions directly from farmers, hauling and delivery to markets and cold storage facilities, and storage rental,” pahayag ng PCO.
Magbibigay rin ng market linkage services ang DA upang siguruhin na handa ang mga sibuyas na ibenta sa merkado, kabilang ang fast food chains at institutional buyers. RNT/JGC