MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-angkat ng asukal sa mga “selected importers” lamang.
“Ang sabi ng presidente ‘let’s import,’ ‘let’s import through selected importers,'” ayon kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa isinagawang pagdinig ng Senate blue ribbon committee.
Patuloy kasi ang ginagawang imbestigasyon ng mga senador ukol sa pagpasok ng sugar shipments sa bansa bago pa ipinalabas ang official order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Itinuro ni Panganiban si Pangulong Marcos na siyang nagpasimula ng importasyon ng 455,000 metric tons (MT) ng asukal mula Thailand, tinukoy ang “inflationary pressures” noong panahon na iyon.
“(Marcos) told us that we really need to import at this point because baka tumaas pa ang inflation rate at tataas pa ang presyo sa public market,” ani Panganiban.
“On that basis, I called a meeting with the Sugar Regulatory Administration to address this problem,” he added. “Ang sabi ng president let’s do it ourselves muna,” dagdag na wika nito.
Inalala pa ni Panganiban na nagpatawag ng miting ang Pangulo kasama ang apat o limang sugar importers, kung saan nakita niya ang isang nagngangalang Alvarado at isang Escaler.
Nagtapos aniya ang meeting sa pagpayag ng Pangulo na umangkat ng asukal.
At nang tanungin naman ng committee chair na si Senador Francis Tolentino si Panganiban kung ang naging pahayag ni Pangulong Marcos ay tumutukoy sa “going through the process required in importing”, ang sagot ni Panganiban ay “He (Marcos) said let’s import through selected importers of sugar.”
HIndi naman aniya nagbigay ng kahit na anumang “specific names” ng sugar importers si Pangulong Marcos sa idinaos na meeting.
Samantala, isa sa mga sugar barons na pinangalanan ni Panganiban na dumalo sa pagdinig ay si Michael Escaler, pamngulo ng sugar import company All Asian Countertrade Inc.
Samantala, sinabi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang sugar order ay hindi lamang basehan para sa pag-angkat ng asukal.
Maaari rin aniyang pagbasehan ng gobyerno sa importasyon ang minimum access volume na itinakda ng World Trade Organization.
“To us, in the Office of the President, we have committed no irregularity, no violation, when we issued that sugar order. Neither was there any violation committed by any of the parties involved in this questioned transactions,” ayon kay Bersamin. Kris Jose