Home NATIONWIDE DA sa livestock farmers: Pagkakasakit ng mga alagang hayop iulat

DA sa livestock farmers: Pagkakasakit ng mga alagang hayop iulat

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) nitong Miyerkules ang livestock farmers na iulat ang mga nagkakasakit na alagang hayop upang maiwasan ang outbreaks sa bansa.

Kasunod ito ng pag-depopulate ng DA-BAI sa 94 imported goats mula sa United States sa “secluded” farms sa Pampanga at Marinduque, matapos magpositibo sa unang naitalang mga kaso ng Q fever sa bansa.

Ang Q fever ay isang zoonotic disease na maaaring maipasa sa mga hayop sa pamamagitan ng contact sa infected animals o excreta o body fluids ng mga ito.

“Mag-report tayo kapag may kahina-hinalang nangyayari sa ating mga alaga, dahil diyan makatutulong tayong ma-prevent ang sakit sa ating bansa,” wika ni BAI National Veterinary Quarantine Services Division officer-in-charge Dr. Christian Daquigan sa isang panayam.

Sinabi ni Daquigan na maaaring direktang makipag-ugnayan ang local livestock farmers sa municipal offices ng DA sakaling maobserbahan ang mga sintomas sa mga hayop, may kaugnayan man ito sa Q fever o wala.

“Kapag nakakita tayo ng sakit sa ating mga alaga, huwag nating itago. Huwag tayong matakot na sumangguni sa ating mga local veterinarian, provincial vet,“ aniya.

Samantala, tiniyak ni Daquigan ang mas mahigpit na border measures at mas malawak na surveillance sa Pampanga at Marinduque.

“Mas pinaigting po natin iyong ating border control, lalo po iyong padating na kambing galing sa US po, may temporary banning na po tayo ng mga kambing na manggagaling sa US,” ayon sa opisyal.

Sa kasalukuyan, walang naiulat ang livestock farmers sa mga apektadong farms sa Marinduque at Pampanga na Q fever infection. RNT/SA